ni SUSAN CAMBRI
ILANG dekada nang namamayagpag ang pangalang Boyet Fajardo sa larangan ng fashion design at ngayon ay matatagpuan sa mga mall hindi lamang sa Metro Manila.
Hindi hadlang ang pagkakaroon ng disability bagkus ay naging tuntungan niya ito upang magtagumpay sa negosyo.
Sa pamamagitan ng sipag, tiyaga at pagmamahal sa kanyang negosyo at mga tauhan ay nakapagpundar ng mga mansiyon, sasakyan at iba pang properties si Kuya Boyet.
Loyal din siyang kaibigan sa mga malalapit sa kanya at kanyang mga kapamilya.
Katulad ng maraming negosyante na nasapol ng pandemya, hindi nakaligtas dito si Kuya Boyet, subalit sa pamamaraang naisip niya, nagbenta ng ari-arian upang maka-survive sa hagupit ng pandemya noong 2020 hanggang sa makabangon muli.
Naniniwala siyang ang malasakit sa kanyang mga tauhan at tiwala sa Panginoon ang dahilan upang makabawi sa pandemya.
Dumami pa ang Boyet Fajardo stores sa mga mall hanggang sa Visayas at Mindanao.
Nagtamo rin ito ng pagkilala at isa rito ay ang sa katatapos na 1st Outstanding UST Atelier Alumni Honours.
Inialay niya ang pagkilalang ito sa kanyang mga magulang sa kanyang Imang Guitang at Tatang Quinong at kay Kuya Doc Jesus/Jessie.
Bilang pagbabalik sa tinamong mga biyaya, sikretong tumutulong si Kuya Boyet sa mga taong may kapansanan.
(Jovi Vargas) ANG BISYONARYO
ISA ang bisyonaryong si Jovi Vargas sa naka-survive sa panahon ng pandemya kung saan kahit lockdown ay nakakaraket pa.
Hindi alam ni Jovy noong siya ay bata pa na mayroon siyang ‘gift’ sa panghuhula.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror ay naikwento nito kung papaanong nakita niya na tila nasusunog ang bahay ng kanilang kapitbahay gayong hindi naman ito nag-aapoy.
Ilang sandali pa ay nagulat ang mga residente nang bigla ngang sumiklab ang apoy sa tinukoy na bahay. Simula noon ay may mga pangitain na si Jovy na hindi nakikita ng iba.
Nagsimula na siyang makikita ng mga fairy at mga duwende hanggang sa may mga kaibigan siya sa murang edad na kanyang nahuhulaan.
Nang mag-aral at magtrabaho ay nagsimulang makilala si Jovy na pati mga sikat na artista ay nagpapahula sa kanya habang maraming kilalang negosyante ang humihingi rin ng gabay sa kanya hindi lamang tungkol sa negosyo kundi maging sa personal na pamumuhay.
Naging kontrobersiyal si Jovy nang mahulaan mito noong 2019 na si BBM ang mananalong presidente, na siya ngang naganap noong May 2022 elections.
Naging parukyano nito sina Kris Aquino, Ruffa Gutierrez, at marami pang iba.
Hindi rin natinag ng pandemya si Jovi dahil tuloy ang pagkokonsulta rito ng kanyang mga parukyano kahit sa tawag
lamang. At dahil dito ay marami siyang natutulungan at nabibigyan ng gabay.
May mga kapuspalad din na tinutulungan si Jovi at nitong taong 2023 ay nagsimula siyang mag-tour sa iba’t ibang lugar sa abroad.