BOYET FAJARDO THE BOLD & THE BEAUTIFUL SA KABILA NG PANDEMYA

ISA sa mga matinding naapektuhan ng pandemya ang fashion industry. Kasabay ng tila pagtigil ng mundo sa pagkalat ng COVID-19, ang pagsasara ng mga gate ng mga subdivision, pagsasara ng mga mall at maraming negosyo noong Marso 2020.

Inamin ng kilalang fashion designer na si Boyet Fajardo na naghirap siya sa pagtigil ng kanyang negosyo dahil sa pandemya. Halos sumuko na ito sa pagka­lugi noong 2021, ngunit naiisip niya ang kanyang mga empleyado kaya isinuko niya ang lahat sa Panginoon sa panana­langin.

Dito na siya nagde­sisyon na  ibenta ang dalawa sa kanyang mga  kotse  sa paluging pres­yo.

Isa rin sa kanyang mga kakilala ang tumawag  at inalok na bibilhin  ang isa sa kanyang properties.

Nabuhayan ng loob ang fashion designer. Bagama’t hindi nito sinabi kung magkano, naibenta ni Fajardo sa malaking halaga ang kanyang property. Tinawag niya ang pangyayari na isang  milagro dahil dito ay muli siyang nakabangon.

“Naibalik ako where I was, naghirap na ako eh,” sabi ni Fajardo sa panayam. Nagbunsod ito upang muling magbukas ang tindahan na Boyet Fajardo sa Robin­sons mall kasabay ng pagluwag ng COVID-19 restrictions.

MILAGRO

Maituturing ni Fajardo na ilang beses na nangyari ang milagro sa kanya hindi lamang nitong pandemya kundi  sa mga nakalipas na taon sa buhay nito kung saan siya ay nawalan ng pani­ngin dahil sa glaucoma.

Naibalik ang kanyang paningin sa tulong ng isang magaling na doktor, ngunit sinabi nitong utang niya pa rin ang lahat sa Panginoon na nagbigay sa kanya ng katatagan ng loob at bilang pasasalamat ay naging adbokasiya niya  ang pagtulong sa foundation ng mga bulag.

Ang buong buhay ni Boyet ay milagro, sa kabila ng kanyang disability  ay naabot niya ang rurok ng tagumpay, nalibot ang buong mundo at nakilala  ang kanyang signature brand.

“My disability  made me a strong person,” pahayag nito.

Nasa 44 taon na ang negosyo ni Boyet  na isa sa patuloy na aktibo sa industriya at marami nang nakaharap na pagsubok, ngunit hindi susuko,  pahayag pa nito. Kamakailan ay nagdaos ng fashion show na “Fashion Forte” si Fajardo sa Ruby Ballroom  Crowne Plaza Hotel sa Ortigas Avenue. Tampok din dito ang  creations  nina  Carl Arcusa, Junjun Cambe, Mikael Castillo, Lalong Gandasila, Marianne Martin, Nardie Presa, Ramon Santiago, at Lorenzo Vega. At katulad ng dati, si  Fajardo ay rumampa sa finale ng pagtatanghal. SUSAN CAMBRI