(BP Finals: Daraliay naka-3 ginto sa wushu) INSPIRASYON SI KUYA

Wushu

PUERTO PRINCESA – Sa halip na magdalamhati ay ginawang inspirasyon ni Zion Daraliay ng Tuguegarao City ang kanyang yumaong kapatid na si wushu athlete Rastafari Daraliay sa paghakot ng tatlong gintong medalya sa wushu sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2019 Batang Pinoy National Finals kahapon sa Holy Trinity University dito.

Umukit naman ng kasaysayan ang 14-anyos na si Aldrener Igot, Jr. ng Cebu City nang maging unang atleta sa archery na nag-wagi ng walong ginto sa perfect 8-of-8 performance sa taunang torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pakikipagtulungan ng 522 local government units (LGUs).

Si Daraliay ay namayani sa mga event na female San Lu Quan, female Joan Shu at female Qiang Shu.

“Si kuya ko po ang inspiration ko for winning these golds. I know he is very happy where ever he is right now with these achievements,” pahayag ni  Zion.

Ayon sa ama ni Daraliay na si Bobbits, hindi naging hadlang ang pagkamatay ng kanyang panganay na anak na si Rasta upang magpursigi ang kanilang pamilya na isulong ang boses para sa kabataang atleta.

“’Yung experience namin with what happened to my son, you’d probably expect we’ll be the first people to run away from sports. Dahil we still have another daughter, we want to continue with her career so we opted instead of running away from it and blaming anybody, why not we just form a group and try to be a voice to be heard sa PSC officials and the government to ask for more support, more care and more welfare for our athletes,” anang nakatatandang Daraliay.

“It is like turning something negative and making it to a positive thing para tulungan ‘yung mga athlete natin para mas lalo pa silang bigyan ng inspirasyon,” dagdag pa niya.

Sa archery, naihabol ni Igot ang kanyang ikawalong gintong medalya nang madominahan din niya ang boys team event at mixed team event.

Unang pinagharian ni Igot ang mga event na Olympic round, 40m, 50m, Fita, 20m at 30m.

Samantala, patuloy na namamayagpag ang defending champion Baguio City sa overall medal standings sa kanilang unofficial medal count na 48 golds, 36 silvers at 51 bronzes.

Humakot ng gintong medalya ang Baguio sa wushu kung saan may 14 na naitala buhat dito.

Posible pang madagdagan ang medalya ng Baguio City dahil may mga resulta pa silang hinihintay buhat sa archery, boxing, taekwondo, judo at wrestling habang isinusulat ang balitang ito.

Pinangunahan ni Jether Bab-Anga ang medal assault ng Baguio sa muaythai makaraang manalo sa 10-11 boys 30kg.

Ang iba pang gold medallists ay sina  Azreal Duping (34kg), Charlwayne Bannagao  (38kg), Larstephen Canedo 12-13 boys (44kg), Aira Nicole Mendoza (12-13 girls,38kg),  Krisna Malicdan (40 kg), Francine Jade Velasco (14-15 girls,  (38kg.), Maria Isabel Malijana (42kg) at Ashley Kia Malecdan (54kg).

Nasa likod naman ng Baguio City ang Cebu City sa kanilang 27-22-29 (G-S-B), sumusunod ang Quezon City (22-22-21), Davao City (21-23-22) at Pasig City na may 18-19-16.

Tatanggap ng cash incentives ang top five LGUs sa nasabing kumpetisyon buhat sa PSC na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez kung saan tumataginting na P3 milyon ang makukuha ng magiging kampeon, P2.5 milyon sa second placer, P2-M sa third placer,  P1.5-M sa 4th at P500,000 sa 5th placer. CLYDE MARIANO

Comments are closed.