SISIMULAN ng Pasay City Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang pagpapatupad ng number coding scheme sa renewal ng business permits sa darating na Enero upang maiwasan ang overcrowding.
Isasagawa ang renewal ng business permits sa Enero 2 hanggang Enero 19 mula alas-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon sa Music Hall, Entertainment Mall, J. W. Diokno Boulevard, at Mall of Asia (MOA).
Ayon kay BPLO chief Mitch Pardo, ang business permits na mayroong huling numero na nagtatapos sa isa hanggang 40 ay naka-iskedyul ng Enero 2 hanggang Enero 5.
Sinabi ni Pardo na sa ikalawang linggo mula Enero 8 hanggang 12, ang mga business permits na nagtatapos ang mga numero mula 41 hanggang 80 ang mga maipoproseso habang sa mga nagtatapos naman sa 81 hanggang 100 ang may pagkakataong mag-renew ng kani-kanilang mga business permits ng mula Enero 15 hanggang Enero 19.
Ang number coding scheme para sa renewal ng business permit ay ipatutupad ng BPLO upang maiwasan ang siksikan at mabigyan ng pagkakataon ang mga magbabayad ng taunang buwis sa lokal na pamahalaan ng malaki-laking lugar na mapagkikilusan at maging konbinyente sa kanilang paghihintay sa pagsasagawa ng renewal.
Dagdag pa ni Pardo na inaasahan na ng BPLO na aabot sa 15,000 negosyo sa lungsod ang magre-renew ng kanilang business permits sa lungsod.
Pinayuhan din ni Pardo ang mga business taxpayers na magtungo sa kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/BPLO Pasay para sa mga karagdagang katanungan at kaalaman na nauukol sa renewal ng business permit. MARIVIC FERNANDEZ