Binabantayan ng Department of Education (DepEd) ang mga kaso ng pagbibitiw ng mga public school teachers para magtrabaho abroad. Nagiging sanhi kasi ito ng kakulangang ng titser sa bansa.
Nababahala si Education Secretary Juan Edgardo Angara kaya hiniling niyang kumilos agad ang bagong tatag na Cabinet cluster on education na inanunsyo noong Martes ni President Ferdinand Marcos Jr.
“I’ve greenlit the creation of an Education Cluster to develop a common agenda, ensuring that the Department of Education, Commission on Higher Education (CHEd) and the Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) unite to close learning gaps and drive much-needed reforms in our education system,” post ng Presidente sa kanyang Facebook account, matapos ang sectoral meeting sa Malacañang noong Martes ng Umaga.
Ani Angara, nauunawaan ni Marcos na kailangang seryosohin ang “very deep-seated problems” sa education sector.
Hindi pa alam kung kadami ang mga titser na umalis dahil hindi nga ito agad napagtuunan ng pansin, ngunit Marami na sila. May mangilan-ngilang nagtutungo sa United States, ngunit may iba pang mga bansang pinupuntahan nila. Hindi ito gaanong napagtuunan ng pansin dahil idinaan sa teachers leave o study leave.
“It’s a real problem. I have received reports that many schools overseas invite our teachers for so-called study tours. The problem with these tours, however, is that many of the invited teachers no longer come back,” dagdag pa niya.
Umaabot na sa 1,500 ang bilang ng mga gurong umalis sa bansa taon-taon, mula 2011 hanggang 2017, para magtrabaho sa ibang bansa, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration. Karamihan sa kanila ay nagtungo sa China, Saudi Arabia, Singapore, Japan at Thailand.
Ayon sa DepEd, ang kabuuang bilang ng public school teachers sa bansa noong school year 2020-2021 ay 876,842 kung saan 514,099 ang grade school teachers, 288,687 ang nagtuturo sa junior high school, at 74,056 naman ang nagtuturo sa senior high.
Sa ideal class size na 35 mag-aaral, kailangang mag-hire ang DepEd ng 25,000 teachers taon-taon hanggang 2028, ayon sa kalkulasyon ng Alliance of Concerned Teachers na pinamumunuan ni chair Vladimer Quetua.
Ito ang mga bagay na dapat talakayin ng Education Cluster ayon kay Angara.
Magkakasama sa cluster ang DepEd, CHEd, Tesda, Department of Labor and Employment, at the Department of Budget and Management. Kasama rin ang Department of Social Welfare and Development sa technical working groups ng cluster.
Ang cluster ay panukala ng Second Congressional Commission on Education (Edcom II).
“All of the agencies are doing their respective jobs, but they do it independent of one another with no mechanism of coordination, of making sure that the plans come together and they deliver an integrated system of education,” Ani Edcom II executive director Karol Mark Yee.
Kumento ni Angara, dapat ding talakayin ng cluster ang kakulangan ng guidance counselors. Binigyang diin niyang batay sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment, pinakamatindi ang kaso ng bullying sa mga iskwelahan sa Pilipinas.
Anila, Filipino students ang may pinakamalungkot na study life sa buong mundo.
“Based on the Anti-Bullying Act, this matter is the concern of guidance counselors. But in DepEd, we have about 5,000 vacant positions for guidance counselors but there are no takers,” dagdag pa niya.
Samantala, pinalakpakan ng Philippine Business for Education ang pagbuo ng cluster. Naniniwala umano silang tama lang na si Angara ang maging education czar dahil may malasakit ito, partneran pa ng Cabinet cluster na dapat ay noon pa itinatag.
JAYZL NEBRE