ANG Marso ay para sa kababaihan. Ipinagdiriwang sa buong mundo ang International Women’s Month sa panahong ito. Ika-8 ng Marso naman ang International Women’s Day. Para sa taong 2022, ang tema ng kampanya ay Break the Bias. Ito ay panawagan upang ipagdiwang ang mga kababaihan at kanilang mga gawain, aksyon, at tagumpay. Ito ay panawagan upang ikalat sa bawat sulok ng Pilipinas at mundo ang mensahe tungkol sa pagkakapantay-pantay.
Isang mundo na walang kinikilingan pagdating sa kasarian, walang diskriminasyon at pagtatangi—ito ang pinapangarap ng mga kababaihan. Isang mundo na pantay-pantay ang pagtingin sa lahat, kasali ang lahat at walang itsa-puwera—ito ang nais natin para sa ating tahanan, komunidad, lugar ng trabaho, paaralan, bansa, at mundo. Kinikilala at ipinagdiriwang ang bawat babae, anuman ang kasarian, kulay, lahi, estado niya—ito ang layunin ng mga grupo at indibidwal na kasama sa kampanya.
Maraming mga selebrasyon o pagdiriwang ang gaganapin ngayong buong buwan ng Marso sa tulong ng mga organisasyon at grupong nagtatanggol sa karapatan ng mga kababaihan. Mainam na makiisa tayo sa ilan sa mga ito—maging webinar man ito o mga talakayan, programa, o workshop. Makakatulong din kung ating ibabahagi sa ating social media accounts ang mga panawagan at anunsiyong kaugnay ng pagdiriwang ng International Women’s Day/Month.
Magbigay-pugay tayo sa mga kababaihan sa ating buhay—ang ating ina, asawa, anak, kasintahan, kapatid, guro, ka-trabaho, kaklase, kamag-anak, kaibigan, at iba pa. Tumulong tayo sa mga kababaihang nangangailangan ng ating suporta, at irespeto natin ang kanilang kakayahan at karapatan sa lahat ng pagkakataon. Mabuhay ang mga kababaihan! Happy Women’s Month sa aking mga mambabasang babae!