LAGUNA-DINAKIP ng pinagsanib pwersa ng Alaminos police at Laguna Intelligence unit ang isang Barangay chairman at 15 nitong ka-barangay na naaktuhang nagdaraos ng tupada sa Barangay San Miguel, Alaminos sa lalawigang ito dakong ika -11 ng tanghali kahapon.
Kinilala ni Col. Cecilio Ison Jr.,Laguna PNP provincial director ang chairman nasabing barangay na si Mars Libang, 63-anyos.
Sa pahayag pa ni Ison , si Libang at ilan pa nitong ka-barangay ay matagal na umanong nagsasagawa ng tupada.
Nabatid na mismong si Tserman pa ang nagtatakda umano kung anong araw at oras isasagawa ang illegal na sabong.
Sa isang tip ng netizen na natanggap kahapon ng umaga ni Ison agad itong bumuo ng police operatives para sa raid sa lugar ng sabungan.
Agad na nadakip si Libang at mga kasamahan nito habang abala sa pagtatari ng manok.
Nasamsam ng mga pulis ang dalawang buhay na manok, mga tari at P3,300 halaga ng taya sa tupada.
Nahaharap sa kasong paglabag sa P.D.1602 o illegal gambling ang nasabing chairman at mga kasama nito.
Gayundin, inirekomenda ni Ison sa DILG ang kasong administratibo laban kay Chairman Libang.
ARMAN CAMBE