(Brgy chairman parurusahan) BIGONG MAIPATUPAD ANG ‘NO VAX’ POLICY

BINALAAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya ang mga opisyal ng barangay na papatawan ng parusa kapag nabigong higpitan na panatilihin sa loob ng kanilang mga tahanan ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.

“‘Yung mga go­vernment officials po ay madami tayong pwedeng i-file diyan, ma­daming kasong pwedeng i-file—administratibo, kriminal, civil cases,” pahayag ni Malaya sa isang panayam.

Ayon kay Malaya, kung hindi susunod ang mga hindi bakunado at patuloy pa ring lumalabas ng kanilang mga tahanan ay maaaring ares­tuhin ng mga opisyal ng barangay.

“Alam kong napapagod na rin sila pero ayon talaga ang tawag ng ating tungkulin. Kailangan nating gawin ‘yon para maisalba ang ating bansa sa mas mabigat ng problema dahil sa COVID,” giit pa ni Malaya.

Dagdag naman ng opisyal na wala nang barangay officials sa Metro Manila ang tumatangging magpabakuna, pero karamihan sa kanila ay nananatiling hindi pa bakunado sa mga lalawigan dahil sa takot sa ‘zombie apocalypse’ at paniniwala sa kanilang relihiyon.

Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng barangay officials na utusan ang kanilang mga nasasakupan na manatili sa loob ng bahay kung ang mga ito ay wala pang bakuna.

Magugunitang, inaprubahan ng Metro Manila Council na binubuo ng 17 NCR mayors ang pagpapanatili sa kanilang mga tahanan ng mga indibidwal na hindi pa nababakunahan maliban na lang kung ang mga ito ay bibili ng essential goods at iba pang kinakailangang serbisyo habang nasa ilalim ng alert level 3 ang buong National Capital Region (NCR) na magtatagal ng hanggang Enero 15.

Nasa alert level 3 rin ang Bulacan, Cavite at Rizal mula Enero 3 hanggang Enero15 habang ang Laguna ay isinailalim na rin sa parehong alert level nitong Enero 7 hanggang Enero 15. EVELYN GARCIA