PINAALALAHANAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga nagnanais na magtayo ng sariling negosyo na walang karapatan ang mga barangay chairman na mag-isyu ng business permit.
Ito ay makaraang makatanggap ng mga reklamo ang tanggapan ni Moreno na maraming Punong Barangay ang umaabuso sa kanilang kapangyarihan sa puntong hindi pinapahintulutan na mag-operate ng isang negosyo hanggat hindi nakakakuha ng permit sa barangay.
Binigyang diin ni Moreno na walang kapangyarihan ang barangay na mag-isyu ng business permit dahil tanging pamahalaang lungsod lamang ang may kapangyarihan na magbigay nito.
“Paalala ko.. ang barangay ay hindi nag-iisyu ng permit. Ang kinukuha sa barangay ay barangay clearance. Iba ang purpose nito sa business permit,” paliwanag pa ng alkalde.
Iginiit pa ng alkalde na hindi puwedeng palitan ng mga barangay chairman ang batas, partikular ang Republic Act 7160 na mas kilala bilang Local Government Code, RA 7160, transferred control and responsibility of delivering basic services to the hands of local government units (LGU).
Idinagdag pa ni Moreno na sinumang chairman ng barangay na igigiit ang pagsaklaw sa kapangyarihan ng pamahalaang lungsod sa pag-iisyu ng business permit ay posibleng makasuhan ng abuse of authority.
“Hindi pwedeng saklawan ng barangay ang itinalaga ng batas under RA 7160 kung saan siyudad ang dapat na mag-isyu ng business permit. Baka kayo makasuhan for abuse of authority or usurpation for acting beyond your responsibility,” giit ni Moreno. VERLIN RUIZ
Comments are closed.