BRGY KAGAWAD TIMBOG SA DROGA

TUGUEGARAO CITY- INARESTO ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang isang barangay kagawad sa isinagawang anti-narcotics operation sa lalawigang ito.

Sa ulat ng mga operatiba ng PDEA Regional Office II kay Director Joel Plaza , sa ilalim ng direktiba ni Director General Wilkins M. Villanueva, armado ng search warrant ay isinagawa ang pag-aresto kay Marlon Corpuz y Cahigas, 49-anyos, nasa listahan ng High Value Target at elected Barangay official ng Zone 2, Molave Street, Capatan, Tuguegarao City.

Sa pamamagitan ng search warrant na inilabas ng RTC, Tuguegarao City, nagawang salakayin ng mga awtoridad ang bahay ng suspek at magsagawa ng paghahalughog.

Narekober mula sa tahanan ni Corpuz ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng isang gramo ng shabu na may market value na P6,800.00, isang piraso na transparent sachet na may laman na sampung gramo ng pinatuyong marijuana, na may halagang P1,200.00, isang black pouch at ilang piraso ng mga transparent plastic sachet na wala ng mga laman.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VERLIN RUIZ