BIGYAN ng suweldo at sapat na benepisyo ang mga barangay official dahil sila ang kadalasang “first responders” sa giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang nais ni dating Special Assistant to the President Secretary (SAP) Bong Go, dahil sa ngayon ay “honorarium” o allowance lang ang natatanggap ng mga barangay chairman at mga barangay tanod sa bansa.
Ayon kay Bong Go, ipapanukala niya sa Senado na mabigyan ng maayos na income at benefits ang mga barangay official upang higit nilang magampanan ang kani-kanilang mga trabaho tulad ng pangunguna sa kampanya kontra droga ng gobyerno.
Sinabi ni Bong Go, naaawa siya sa kalagayan ng mga elected barangay official dahil maghapon sila sa kani-kanilang mga barangay upang tugunan ang problema at ibigay ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Sa panig naman ni ACT-CIS Partylist, first nominee Eric Yap, ay nagsabing marapat lamang na suklian ng pamahalaan ang serbisyo ng mga barangay official sa bansa.
Ayon kay Yap, isusulong nila sa Kongreso sa oras na sila ay palaring manalo na magkaroon ng suweldo at maitaas ang benepisyo ng barangay official dahil sila ang ‘first responder’ at tagapangalaga ng kaayusan at katahimikan sa kanilang nasasakupan.
Comments are closed.