BRGY OFFICIALS NA WALANG ANTI-DRUG ACTION PLAN, KAKASUHAN

ACE BARBERS

POSIBLENG maharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga barangay official na bigong makapagsumite ng kanilang anti-drug action plan.

Ito ang babala ni House Dangerous Drugs Committee Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kahapon lalo na ang mga bagong halal sa kanilang posisyon.

Binigyan-diin ng mambabatas na ang mga Barangay Peace and Order and Public Safety (BPOS) at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ay inaatasang magsumite ng anti-drug action plan sa loob ng 60 araw simula Hunyo 1.

Mismong ang kanyang komiteng pinamumunuan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tututok umano sa usaping ito.

Dagdag niya, handa silang makipagtulungan sa Department of Inter­ior and Local Government (DILG) at Dangerous Drugs Board (DDB) upang matiyak na mapananagot ang mga barangay official na mabibigong tuparin ang kanilang tungkulin lalo na ang pagsugpo sa iligal na droga.

Base sa isinasaad ng Section 32 ng Republic Act No. 9165, na mas kilala bilang Dangerous Drugs Act of 2002, makukulong ng anim na buwan at isang araw hanggang apat na taon, bukod pa sa multa na mula P10,000 hanggang P50,000 ang ipapataw na parusa sa sinumang barangay official na hindi makapaghahain ng kanilang anti-drug action plan.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.