BRGY. TANOD ARESTADO SA P172.5-K SHABU

CAVITE – MATINDI ang pangangailangan sa buhay ng 70-anyos na barangay tanod na nagtutulak ng droga matapos itong makumpiskahan ng P172.5 K halaga na shabu sa inilatag na buy-bust operation ng mga awtoridad sa bahagi ng Brgy. Burol 1, Dasmarinas City sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang suspek na si Bokary Bora y Pangaan na gumagamit ng alyas Garak na Brgy. Tanod ng Datu Esmael sa Dasmarinas City at nakatira sa Blk. 53 Lot 13 sa nabanggit na barangay.

Sa inisyal na police report ni Cpl. Wilfredo Villanueva Jr., isinailalim sa surveillance ang suspek kaugnay sa modus operandi nitong pagbebenta ng droga sa nabanggit na barangay.

Nang maging positibo ang surveillance ay inilatag ng mga operatiba ng PDEU Cavite PPO ang anti-illegal drug operation katuwang ang PDEA kaya nasakote ang suspek.

Narekober sa suspek ang 25 gramo na shabu na may street value na P172, 500.00, P500 at P700 boodle money na ginamit sa buy-bust operation kung saan nakumpiska rin ang traysikel na pag-aari ng Brgy. Datu Esmael sa Dasmarinas City.

Isinailalim sa drug test ang suspek habang ang 25 gramo ng shabu ay pina-chemical analysis naman sa Provincial Crime Laboratory para gamiting ebidensiya sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article 2 ng RA 9165. MARIO BASCO