INANUNSIYO kahapon ni Palayan city, Nueva Ecija Mayor Adrianne Mae “Rianne” Cuevas na isang barangay tanod sa Cabanatuan City ang inaresto ng kanilang pulisya, dahil sa pagpapakalat umano nito ng “fake news” na mayroon nang positibo sa corona virus o COVID-19 sa Palayan City.
Kinilala ni Lt. Col. Renato Morales, hepe ng Palayan police, ang naarestong suspek na si Vener Cortez, 42, may-asawa, barangay tanod at residente ng Barangay Cabu, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Iginiit ni Mayor Cuevas na hindi totoo na mayroon nang positibong kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod. “Wala pong katotohanan ang ipinakalat ni Vener Cortez, kaya siya ay ipinaaresto, magsilbing aral sana ito sa lahat sa pagpapakalat ng fake news,” anang mayora.
Ayon sa report, naaresto ang suspek dakong ika-2:30 ng hapon ng mga mga tauhan ng PNP sa Palayan City.
Sa facebook page ng suspek, sinabi nito na mayroon nang nagpositibo sa COVID-19 kaya pinag-iingat nito ang kanyang mga kababayan.
“Mga kababayan kong taga Cabu may nag-positive na po sa Palayan City ng corona virus, kaya po mag-ingat tayo sa pakikipaghalubilo sa mga taong hindi natin kakilala,” ayon sa post ng suspek.
Sinabi ni Mayor Cuevas, kumalat ang naturang post at nagdulot ng takot lalo na sa mga residente ng Palayan city kaya agad niyang inatasan ang pulisya na hanapin at arestuhin ang suspek na responsable sa naturang fake news.
Nanindigan ang mayora na kakasuhan nila ang suspek upang hindi na ito pamarisan.