“PANGAKO ko, ikaw lang ang mamahalin ko sa hirap at ginhawa sa habambuhay.”
Mga linyang binitawan ng dalawang bagong kasal na sakay ng kolong-kolong sa Rosario, Cavite.
Kinilala ang dalawang bagong kasal na sina Robert Austria Fernandez, 32-anyos, vegetable vendor na kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Silangan 2, Rosario, Cavite at Precy Castillo,30-anyos, OFW at tubong Sta. Elena, Camarines Norte.
Ayon sa bagong kasal, nagkakilala lamang silang dalawa sa pamamagitan ng social media na facebook.
“Pachat-chat lang kami nung una. Ang bilis ng pangyayari. After one year, eto na kami ngayon, ikakasal na sa aming Mayor,” natatawang kuwento ni Precy.
Naging agaw-pansin naman ang ginamit na sasakyan ng bagong kasal dahil imbes sa magarang sasakyan ay sa kolong-kolong sila nakasakay.
Ang naturang kolong-kolong ay pag-aari ng tiyahin ng groom.
Pangarap ng bagong kasal na magkaroon ng dalawang supling na higit na magpapatibay sa kanilang pagmamahalan.
Ikinasal ni Mayor Voltaire V. Ricafrente ang dalawa ngayong araw sa mala-romantikong kubo sa Isla Bonita.
SID SAMANIEGO