AGAW-ATENSIYON sa mga netizen ang ginamit na bridal pedicab ngayong araw ng bagong kasal na sina Alfonso Laodenio Gallano, 39-anyos, at Jo-an Lucaya Gelomio, 33-anyos.
Kasalukuyang naninirahan ngayon sa Sitio Tramo, Brgy. Tejeros Convention.
Isang pampasadang pedicab na kulay kahel na pagmamay-ari ni Totoy Barron na nagsilbing driver din ang ginamit na sasakyan ng bagong kasal.
Walang palamuti o anumang borloloy na makikita sa pedicab.
Suot ng bride ang magarang traje de boda habang puting polo shirt at itim na pants naman ang suot ng groom.
Si Alfonso at Jo-an ay may 3 anak na puro lalaki at 11-anyos ng nagsasama bago naisipang magpakasal.
Kuwento ni Jo-an, 16-anyos siya at 3rd year high school siya ng main-love kay Alfonso.
Naimbitahan ang grupo ni Alfonso na magsayaw sa school nila.
Dahil sa husay ng pagsasayaw at may gandang lalaki si Alfonso ay sobrang main-love itong si Jo-an.
Doon na rin nag-umpisa ang pagpapalitan nila ng love letter.
Lumipas pa ang maraming taon at nagtapos pa ng Computer Technology itong si Jo-an habang si Alfonso naman ay nagtapos naman bilang Seaman.
Hanggang sa tuluyan nang itinanan ni Alfonso itong si Jo-an.
Sa seremonyal ng kasal, ipinangako ni Alfonso na kailanman ay hindi niya ipagpapalit si Jo-an sa buhay niya. Habang si Jo-an naman ay nagsabi ng hanggang sa kamatayan ay si Alfonso lamang ang kanyang iibigin.
Dobol selebrasyon ang araw na ito (Pebrero 2, 2024) para kay Alfonso. Dahil bukod sa araw ng kasal niya ngayon ay araw din ng kanyang kapanganakan.
Ang kasal nina Alfonso at Jo-an ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan ng Rosario, Cavite na KASALinas na pinangunahan ni Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente.via
SID SAMANIEGO