NAPUNO ng bayanihan at pagkakaisa ang simula ng Brigada Eskwela ng pamahalaang lungsod ng Taguig at mga stakeholder ng edukasyon sa mga paaralang nasa pangangalaga ng lungsod ng Taguig sa mga EMBO barangays.
Mainit at masigla naman ang pagtanggap kay Mayor Lani Cayetano ng mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon, mga principal ng paaralan, mga guro, mga estudyante, mga magulang at mga volunteer sa panimula ng programa.
Simula sa Makati Science High School, ang kick-off ceremony ng Brigada Eskwela ay naging matagumpay matapos magkaisa ang grupo ng mga boluntaryo, kabilang ang mga mula sa Taguig City Police Station, National Capital Region Police Office, Southern Police District, Bureau of Fire Protection, pati na rin mga kinatawan mula sa iba’t ibang mga grupo at organisasyon sa mga barangay EMBO.
Binigyang diin ni Mayor Lani, isa sa mga advocate ang kahalagahan ng edukasyon sa pag-unlad ng komunidad, na mahalaga ang pagkakaisa upang makamit ang layunin ng Brigada Eskwela.
“Ang layunin ng lokal na pamahalaan ay ang ipahayag ang aming kahandaan na tulungan ang DepEd TAPAT upang matagumpay na maidaos ang isang linggong pagbi-brigada. Ang Brigada Eskwela po ay isang national initiative na pinangungunahan ng Department of Education na may layuning hikayatin ang lahat upang makiisa at maihanda ang mga eskwelahang pampubliko para sa pagbubukas ng paaralan. Sa ganitong paraan ay madadatnan ng mga estudyante na malinis, maayos at komportable ang mga ito para sa kanila,” aniya.
Dagdag pa ni Mayor Lani na pangako ng lokal na pamahalaan ng Taguig na suportahan ang mga paaralan sa mga EMBO barangay sa kanilang pagbubukas ng school year.
Siya ay humiling sa mga opisyal at miyembro ng General Parents Teachers Association na magkaroon ng pang-unawa at pasensya habang nagaganap ang transisyon o ang proseso ng paglipat, at ipinangako na makikipagtulungan siya nang malapit sa mga school head at opisyal ng division upang tugunan ang mga pangunahing alalahanin ng mga guro at estudyante.
“Marubdob at masigasig akong makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Department of Education upang masiguro ko na sa pagbubukas ng school year iyong mga pangamba po ninyo, yung mga agam-agam po ninyo, yung mga katanungan po ninyo, unti unting masasagot, malilinawan, at matutugunan,” aniya.
Idinagdag niya na ang pamahalaang Taguig ay naghanda sa pag-prepare ng mga school kit na ipamamahagi sa mga mag-aaral sa lalong madaling panahon.
Nagpasalamat din si Mayor Lani sa Philippine National Police sa hindi pagtanggap sa aksyon ng kapitan ng barangay na nag-utos sa kanyang mga kabarangay na harangan ang mga kalsada patungo sa mga paaralan, at sa agarang pag-aalis ng mga barikada, na maaaring nagdulot lamang ng aberya sa mahalagang okasyon.
Sa bahagi naman ni Dr. Felix T. Bunagan, prinsipal ng Makati Science High School, ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat kay Mayor Lani, sa lungsod ng Taguig, at sa lahat ng mga boluntaryo, sa kanilang suporta sa Brigada Eskwela.
Kasama rin sa kick-off ceremony si Dr. Cynthia Ayles, Taguig-Pateros School’s Division Superintendent. Ipinunto niya na ang Brigada Eskwela ay tutulong sa layunin ng DepEd na palakasin ang komunidad para sa mga estudyante nito at itanim ang pagmamahal sa bayan.
Pagkatapos ng pagbisita sa Makati Science High School, pumunta ang alkalde sa Fort Bonifacio High School at Fort Bonifacio Elementary School, kung saan malugod na tinanggap siya ng mga prinsipal, mga guro, mga estudyante, mga magulang, at mga boluntaryo mula sa komunidad.
Ang mga volunteer ang nanguna sa pag-ikot sa iba pang mga paaralan sa EMBO na inilipat sa Taguig alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng naipanalong territorial issue sa pagitan ng Taguig at Makati.
Ang mga opisyal ng mga paaralang Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School, at South Cembo Elementary School ay nagpahayag rin ng kanilang pasasalamat sa suporta ng alkalde.
Lahat ng mga opisyal ng paaralan ay nagkaroon ng pag-uusap kay Mayor Lani at iba pang opisyal ng lungsod upang planuhin at i-sinkronisa ang kanilang mga pagsisikap sa unang araw ng Brigada Eskwela at sa pagbubukas ng klase. Ipinangako nilang magtutulungan at mag-aaral mula sa mga best practices ng isa’t isa, na sa kanilang pagsang-ayon, ay makakabenepisyo sa mga estudyante, magulang, guro, at kawani.