CAMP CRAME – NILINAW ng Philippine National Police (PNP) na lahat ng mga police officer na may ranggong Brigadier General o one star ay kuwalipikado para maging susunod na PNP chief.
Inihayag ito ni PNP Spokesperson Brig. Gen.Bernard Banac sa harap ng mga naglutangang pangalan ng mga senior officer ng PNP para maging PNP chief.
Pahayag ni Banac na batay sa RA 6975 ay binibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para mamili ng susunod na PNP Chief sa mga may ranggong one star pataas.
Subalit kung pag-uusapan ay seniority sa hanay ng PNP, pasok sa pagiging PNP chief sina Deputy Chief for Operations Police Lt Gen Archie Gamboa na magreretiro pa sa Setyembre 2020, at si chief directorial staff Police Lt. Gen. Camilo Cascolan na magreretiro pa sa Nobyembre 2020.
Pero malabo nang maging PNP chief si PNP Deputy chief for administration Fernando Mendez Jr. kahit pa seniority ang pag-uusapan dahil magreretiro na ito sa Biyernes sa Oktubre 11.
Maaari rin daw magrekomenda ng susunod na PNP chief si DILG Sec. Eduardo Año sa pangulo nang kanyang personal choice o base sa rekomendasyon ng Senior Officer Placement and Promotions Board.
Maging si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde ay maaari ring magbigay ng shortlist sa pangulo kung hihingiin ito ng presidente.
Giit ni Banac, nasa pangulo pa rin ang desisyon kung sino ang gusto nitong maging hepe ng pambansang pulisya.
Si Albayalde ay magreretiro sa Nobyemre 8, sa pagsapit ng kaniyang mandatory age retirement na 56. REA SARMIENTO