MULING nasungkit ni Rey Briones ng Masbate ang kampeonato sa katatapos lamang na 2018 World Slasher Cup Invitational 9-cock Derby 2 sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum noong Sabado ng gabi.
Hinirang na solo champion ang Greengold Uno entry ni Briones at ng kanyang farm partner na si Rod Advincula matapos makakuha ng 7.5 puntos.
Si Briones, may ari ng Spartans R&B Gamefarm sa Bulacan, ay may 4.0 puntos lamang sa pagpasok ng grand finals ngunit nakakuha sya ng 3.5 puntos at marami ang nagulat sa kanyang pagkapanalo dahil sya ay underdog sa laban.
Early favorites si defending champion Frank Berin na may dalawang entries na parehong walang talo (5-0), gayundin si sabong idol Patrick Antonio na may isang entry na wala ring talo sa pagpasok ng grand finals.
“The results showed how competitive Philippine cockfighting is today, so we can expect new gamefowl breeders to join the upcoming 2019 World Slasher Cup in January,” ayon kay WSC media partner CEO Manny Berbano ng Pit Games Media Inc.
Ang Excellence Poultry and Livestock Specialists ay isa sa mga major sponsor ng derby habang kabilang din sa media partners ang PILIPINO Mirror.
Runner-up naman si Dr. Bel Almojera ng Florida, USA (Blue Angels 2) na nakapagtala ng 7.2 puntos.
May tig-7 puntos din sina Jun Tejada/Lawrence Lu (Peshmerga Angry Birds Aklan), Marvin Rillo/Migs Lavinia (MJ 3), Pol Estellado (PE Farms), Ricky Magtuto/Rey Tambong (Alqueen Ahluck Camsur), Frank Berin (Mulawin), Julia Nicole (June 17 Pangasinan) at Jojo Alcovendaz (Sulong Maynila).
Ang World Slasher Cup ay kilala bilang ‘Olympics of Cockfighting’ at pinakaprestihiyosong derby event sa buong mundo. Ito ay inoorganisa ng Pintakasi of Champions dalawang beses sa isang taon tuwing buwan ng Enero at Mayo.
Ika-apat na kampeonato na ito ni Briones sa World Slasher Cup. Huli siyang nagkampeon noong 2012.
Ayon kay Briones, ito ang ‘pinakamatamis niyang pagkapanalo’ dahil underdog siya at mabibigat ang kanyang mga nakalaban kung kaya ‘di niya, aniya, inaasahan na magkakampeon siyang muli.
“Sa pagmamanok, sa mga laban, wala nang nakaka-dominate ngayon. Actually, it just so happened panahon siguro ng suwerte ko ngayon. Weeks ago, nag-champion tayo sa Manila Cockers’ Club, double champion po tayo, then nag-champion ulit ako sa Mayor ng Dona Remidios nag-double champion ulit ako, so sabi ko ito na siguro ‘yung time ko,” ani Briones.
Dagdag pa niya, dalawang beses siyang ‘di lumaban sa World Slasher Cup dahil hindi siya makapagpagulang masyado ng mga panlaban.
Gamit ni Briones ang kanyang signature na Spartans Blacks sa elimination round, at mga Sweater Roundhead (na may 1/4 na Brownred) naman sa semis at finals.
“’Yung ginamit ko mga 22 months lang kaya lang sabi ko may palo, pero ang maganda naman 22 months na-prepare ko ng 3 months,” ani Briones.
“Sa mga gustong makakuha ng magandang laban, ihanda ang manok,” dagdag pa niya. NEIL A. ALCOBER
Comments are closed.