NAGLISTA ang British Chamber of Commerce of the Philippines (BCCP) ng mga kahilingan sa administrasyong Marcos para sa 2024 na naglalayong makaakit ng mga karagdagang foreign investment, lalo na yaong magmumula sa United Kingdom (UK).
Ayon kay BCCP executive director Chris Nelson, nangunguna sa wish list ng business group kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawigin pa ang Executive Order 10, na nagbababa sa tariff rates sa corn, pork at rice imports, ng kahit isang taon pa.
Ang EO 10 ay nakatulong sa UK meat exporters na taasan ang kanilang shipment sa Pilipinas, kung saan ang bansa ay second largest export market ng UK para sa pork susunod sa China.
Ang polisiya ay nakatakdang mapaso sa Dec. 31, 2023.
Sinabi ni Nelson na bagama’t inamyendahan na ng Philippine government ang Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act at ang Public Service Act, maaari pang buksan ng bansa ang ekonomiya nito at alisin ang foreign investment restrictions para makaakit ng mas maraming foreign investors sa bansa.
“Of course, the Philippines is not operating in isolation. You are competing with other countries in Southeast Asia and across the globe,” ayon pa kay Nelson.
Habang niluluwagan ang restrictions sa foreign investments, dapat din aniyang tiyakin ng pamahalaan na magiging madali ang pagnenegosyo sa bansa sa pamamagitan ng pag-aalis sa red tape.
Bahagi ng wish list ng BCCP sa susunod na taon ang pagpapabilis sa digitalization para mapaghusay ang ease of doing business sa bansa.
Kabilang din sa wish list ng BCCP ang pagpapalakas sa agriculture sector sa pamamagitan ng pagpasa sa Anti-Agricultural Smuggling Act; pakikipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders sa pagliberalisa sa kalakalan upang palakasin ang presensiya ng British sa Pilipinas, at pagpapabilis sa economic growth sa pamamagitan ng competitive at sustainable market.
(PNA)