KINOKONSIDERA ng mga British investor na mamuhunan sa bansa, partikular sa tourism sector, dahil sa ‘Build Build Build’ program ng administrasyong Duterte.
Sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa Cebu, sinabi ni British Ambassador to the Philippines Daniel Pruce na ang mga British capitalist ay naghahanap ng oportunidad na magnegosyo sa bansa, partikular sa Cebu, sa larangan ng turismo dahil sa pagdagsa ng mga turistang Briton sa nabanggit na lalawigan.
Ayon kay Prude, naging interesado ang mga kompanya na nakabase sa United Kingdom na maging bahagi ng ‘BBB’ program ng pamahalaan tulad ng pagtatayo ng mga tulay, highway, gusali at iba pang proyekto.
“Although the interest of British companies to invest in the Philippines has remained diverse, but what caught their eye right now is the vibrant construction and tourism sectors,” pahayag ni Ambassador Pruce na nagsilbi ng ilang taon sa Royal Family.
Binanggit din ni Ambassador Pruce ang dalawang British companies na lumahok sa konstruksiyon ng bagong Mactan International Airport (T2) na nagpapatunay lamang na ang mga British investor ay pursigidong makibahagi sa infrastructure project ng Pinas. Nabatid din na ang unang diplomatic itinerary ni Ambassador Pruce ay ang pagbisita sa Cebu at pag-tour sa bagong Mactan Cebu International Airport.
Nakipagpulong din si Pruce sa mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng lokal na pamahalaan kaugnay sa seguridad ng mga Briton na bumibisita sa Cebu.
Nakarating naman sa kaalaman ni Pruce na ginagawang holiday destination ng mga Briton ang Cebu dahil sa kakaibang tourism attraction nito tulad ng Malapascua Island Beach Resort, Bantayan Beach Resort, Temple of Leah, at iba pa.
Base sa record ng lokal na sangay ng Department of Tourism (DOT), umaabot sa 45,000 British nationals ang bumisita sa Cebu noong nakaraang taon.
Ayon kay Ambassador Pruce, ang United Kingdom at Filipinas ay nananatiling magkatuwang sa komersiyo at kalakalan.
Sa katunayan, aniya, karamihan sa mga Pinoy ay nakapagpatayo na ng negosyo sa Britain tulad ng Jollibee at Emperador na may partnership deal sa British firms. MHAR BASCO
Comments are closed.