BRITISH PILIPINO INASUNTO SA “HALIK”

ISANG British-Filipino na kapangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kinasuhan ng acts of lasciviousness dahil sa panghahalik at pagyayaya ng pakikipagtalik sa isang bar sa Bonifacio Global City, Taguig.

Kinilala ng Taguig City police ang suspect na si Ferdinand Marcos, 23, isang British-Filipino.

Sa report na isinumite ng Taguig City police sa Southern Police District (SPD), inaresto ang suspek dakong alas 3:20 ng madaling araw sa isang bar sa Bonifacio Global City (BGC).

Batay sa imbestigasyon, kabilang si Marcos sa isang kasiyahan sa nasabing bar nang bigla na lamang niyang hinalikan ang isang 19-taong-gulang na babae at pagkatapos ay inimbitahan pa ang isa pang 23-anyos na babae para makipagtalik sa kanya.

Bukod pa sa ginawa niyang kabastusan sa dalawang babae ay nakuha pa din niyang hawakan ang suso ng 19-anyos na call center agent habang ito ay nagsasayaw.

Sa ginawang pambabastos ni Marcos ay napilitan ang mga biktimang kababaihan na humingi ng tulong sa awtoridad na agad namang rumesponde na nagdulot ng pagkakaaresto sa suspek.

Si Marcos ay kasalukuyang nakapiit sa police custodial facility ng lungsod habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya sa Taguig City prosecutor’s Office. MARIVIC FERNANDEZ