BRITON NAWALAN NG BAG SA X-RAY MACHINE SA NAIA

NAHAHARAP ngayon sa panibagong kontrobersya ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ito ay matapos mabiktima ng pinaniniwalaan na salisi gang ang British national kasama ang asawang Pilipina ng naglaho na parang bula ang sling bag na ipinasok sa x-ray machine sa entrance gate sa departure area ng Terminal 1.

Nagtaka ang mag-asawa na hindi pinangalanan ng hindi lumabas sa x-ray machine ang sling bag na naglalaman ng pitaka, cell phones, at ID cards, kaya agad itong iniulat sa Airport police at tiningnan sa CCTV footage ang kaganapan.

Kahit nakita sa CCTV na ipinasok ng Briton ang sling bag sa X-ray machine, pinatunayan ng sekyu na nagbabantay na hindi lumabas ang gamit ng biktima at hindi makita kung saan napunta ang bag.

Dismayado man ang mag-asawa nagpasalamat pa rin ang dalawa dahil hindi nakalagay sa sling bag ang kanilang pasaporte at iba pang mahahalagang dokumento kaya nakasakay pa rin sila papuntang London.

Nangako ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na imbestigahan ang insidente at maglalabas ng opisyal na pahayag ukol dito.
EUNICE CELARIO