ALMUSAL ang pinakamahalagang meal sa loob ng isang araw. Hindi natin dapat ito kaligtaan. Pero sa kaabalahan ng marami o kaya naman, dahil napasarap ang tulog ay hindi na nakapagluluto ang marami sa atin ng agahan.
May ilan din naman kasing hindi sanay na kumain ng agahan kaya’t okey na sa kanilang panlaman-tiyan ang kape.
Pero dahil nga ang agahan ang pinakamahalagang meal sa isang araw, kailangang napakakain natin ang ating pamilya upang magamit sa buong araw na pagtatrabaho o paggawa sa kanilang mga gampanin sa eskuwelahan man o trabaho.
Kung hindi kasi makakakain ng agahan ang bawat isa sa atin, tiyak na hindi tayo makapagpo-focus sa ating gawain dahil kakalam-kalam ang ating sikmura. Puwede rin namang hindi tayo makapag-isip ng maayos. Paano na lang kung sangkatutak na gawain ang kailangan mong tapusin.
At dahil importante ang almusal at isa ito sa dapat na pinag-iisipan ng maraming Mommy, narito ang isa sa pagkaing masarap ihanda at simple lamang gawin—ang Broccoli with Cheese Omelet.
Sabagay, napakarami nga namang paraan ng pagluluto ng omelet. Simpleng-simple lamang din itong gawin. Ilang minuto nga lang naman ang gugugulin mo at tiyak na makapaghahanda ka na para sa iyong pamilya.
Parehong-pareho lang din ang paggawa nito sa simpleng omelet, iyon nga lang para lalo itong sumarap ay lalagyan natin ng broccoli. Lulutuin din natin ito ng maliliit.
Mainam din naman kasing sanayin ang mga bata sa pagkain ng gulay. At dahil healthy ang itlog at madalas itong inihahanda sa agahan, puwede nating i-level up ang sarap ng simpleng omelet nang makagawa ng Broccoli with Cheese Omelet.
Para rin hindi mawala ang sarap at lutong ng broccoli, huwag itong lulutuin o pakukuluan ng sobra.
Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang broccoli florets, itlog, cheese, olive oil, salt, bell pepper, pepper at mantika.
Paraan ng pagluluto:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Pagkatapos ay batihin ang itlog saka haluing mabuti.
Magsalang ng kawali o lutuan at lagyan ng mantika. Kung hindi pinakuluan ang broccoli, puwede itong igisa nang lumambot ng bahagya. Pero kung pinakuluan, puwede na itong isama sa itlog gayundin ang ilan pang mga sangkap gaya ng hiniwa-hiwang bell pepper at cheese. Timplahan na rin ng asin at paminta.
Kapag okey na sa iyong panlasa, puwede na itong lutuin.
O ‘di ba? Puwedeng-puwede mo nga namang i-level up ang simpleng omelet. Maaari ka ring mag-isip ng iba pang way sa pagluluto ng omelet. Kahit naman kasi anong sangkap ay maaaring subukan basta’t siguraduhin mo lang na ang isasangkap mo ay maiibigan ng iyong pamilya.
Kunsabagay, omelet nga naman ang pinakamadaling lutuin. Ito rin ang isa sa pinakamasarap ihanda dahil puwede itong ipares sa kanin at siyempre, puwedeng-puwede rin naman sa tinapay.
Kaya sa recipe na ito, wala kang dahilan para hindi maipagluto ang pamilya mo.
Dahil sa kaunting oras at panahon lang, may maihahanda ka ng masarap para sa mga mahal mo sa buhay.
At wala rin iyang kasing sarap dahil sa sangkap na pagmamahal. CT SARIGUMBA
Comments are closed.