Sa kabila ng pagkukumahog ng Bureau of Customs (BOC) para mapadali ang pag-release ng mga kargamento sa loob ng mga pantalan, habang patuloy na pinaiiral ang Enhanced community Quarantine sa National Capital Region (NCR) at sa Luzon, tila namimiligro ang mga broker at importer dahil mistulang aabutin ng ilang araw na natengga ang kanilang mga kargamento sa loob ng Port of Manila at Manila International Container Port (MICP).
Ito ay matapos mag-bog down o masira ang kanilang E2M System dahil sa technical problem, ayon sa pahayag ng pamunuan.
Nabatid na ang E2M ang inaasahan ng mga broker upang mapadali ang pag-release ng kanilang mga kargamento sa bakuran ng BOC.
Kaugnay nito agad na ipinag-utos ng pamunuan ng BOC sa Management Information System and Technology Group na madaliin ang pagaayos nito at kung kinakailangang magpa-overtime para mabilis na maibalik ang E2M system.
Kasabay na nangako ang BOC sa kanilang stakeholders na mayroon silang nakalaan na necessary adjustments pagproseso sa mga affected entries hanggang ngayong Holy Week.
Dismayado naman ang mga broker, maging mga importer dahil sa pagkasira ng E2M dahil aabutin ng ilang araw bago mailabas ang kanilang kargamento.
Bukod sa pagkaantala, umaabot sa P10,000 bawat araw ang sinisingil na demurahe sa kanilang kargamento. FROI MORALLOS