JAKARTA – Nabigo si Daniel Caluag na maidepensa ang kanyang korona sa Asian Games men’s BMX at nagkasya sa bronze medal kahapon.
Si Caluag, napanalunan ang nag-iisang gold ng Filipinas sa Incheon Asiad, apat na taon na ang nakalilipas, ay naorasan ng 35.842 seconds sa Pulo Mas International BMX center dito.
Mabagal siya ng 2.173 seconds sa likod ni gold medalist Nagasako Yoshitaku ng Japan (33.669). Kinuha ni Saputra I Gusti Bagus ng Indonesia ang silver, sa oras na 34.314 seconds.
“I didn’t get the result I aimed for but I am happy to contribute a medal for the Philippines,” pahayag ni Caluag, 31.
Nagtapos naman si Sienna Fines sa ika-5 puwesto sa women’s BMX final, mahigit sa apat na segundo ang pagitan kay gold medalist Zhang Yaru ng China.
Sa third place finish ni Caluag ay may 7 bronzes na ang Filipinas sa Asiad. May isa rin itong gold na kaloob ni weightlifter Hi-dilyn Diaz.
Pinuri ni PhilCycling President Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang tagumpay ni Caluag bagama’t hindi nito nakuha ang gold.
“Danny [Caluag] didn’t race in any UCI event ahead of the Asian Games but still, he managed to deliver,” wika ni Tolentino. “He has beaten the Japanese gold medalist before but in this race, Danny gave him a scare—to think that the Japanese is UCI ranked while Danny isn’t.”
Aniya, ang bronze ay sapat na para kay Caluag at sa Philippine cycling.
“Not bad after four years. When it comes to BMX, the Philippines is still the team to beat,” dagdag pa niya.
Samantala, umabante si Cherry May Regalado sa medal round ng pencak silat’s form event makaraang magtapos na joint second kay Vuong Thi Binh ng Vietnam sa iskor na 447 sa Group A ng women’s single preliminary round.
Nanguna si Vilaysack Tunee ng Laos sa round na may 455 points, habang pumang-apat si Ratius Norshahirah ng Malaysia na may 440.
Nasibak sa kontensiyon para sa medalya si Precious Jade Borre makaraang yumuko kay Hoang Thi Loan ng Vietnam, 5-0, sa quarterfinals ng women’s Class C 55-60 kgs.
Tatangkain naman nina Dines Dumaan at Jefferson Rhey na makopo ang guaranteed silver medal sa pagharap sa magkahiwalay na katunggali sa semifinal round ng men’s singles tanding (sparring) ngayong araw.
Makakasagupa ni Dumaan si Malaysian Muhammad Fayzul Nazir sa 55-kg class, habang makakalaban ni Loon si Nguyen Ngoc Tuan ng Vietnam sa men’s 60-65 kgs category.
Umusad si Dumaan sa semis noong Biyernes nang gapiin si Naorem Boynao Singh ng India sa Class B quarterfinals, habang kinuha ni Loon ang kanyang semifinal seat nang pataubin si Kyrgyzstan’s Almazbek Zamirov sa Class D.
Bigo naman ang Philippines men’s dragon boat team na makasambot ng medalya nang magtapos sa ika-5 puwesto sa 200-meter finals sa Jakabaring Canoeing and Rowing Regatta Course kahapon.
Maagang nanguna ang Filipino paddlers sa six-team field subalit pinabalik sa starting line dahil sa false start ng Indonesia.
Sa re-start ay nawala na ang momentum ng Nationals at tumapos sa ika-5 puwesto sa oras na 53.360 seconds.
Nakopo ng China ang gold sa 50.832, habang inangkin ng neighboring rival Chinese-Taipei (51.358) ang silver at bronze sa Thai-land (52.622) sa world-class facility sa loob ng Jakarbaring Sports City. CLYDE MARIANO
Comments are closed.