OPISYAL na inangkin ni Aira Villegas ang bronze medal makaraang kapusin kontra Turkish boxer Buse Naz Cakiroglu sa semifinals ng women’s 50kg boxing event ng 2024 Paris Olympics Miyerkoles ng umaga.
Bago sumalang sa semis at nakasisiguro na ang Filipino boxer ng Olympic medal sa Paris Games.
Ito ang ikatlong medalya ng Pilipinas sa nagpapatuloy na Games kasunod ng double gold medal ni gymnast Carlos Yulo sa men’s gymnastics.
Si Cakiroglu ay nanalo via unanimous decision, 30-27, 30-26, 30-27, 30-27, 30-26.
Sa kabila na kinapos na maka-gold medal, isa pa rin itong kahanga-hangang kampanya para kay Villegas na nasa kanyang unang pagsabak sa Summer Games.
Si Villegas ay ikalawang female boxer pa lamang na nagwagi ng Olympic medal para sa Pilipinas, matapos ni Nesthy Petecio na nag-uwi ng silver sa Tokyo Games noong 2021.
Si Petecio ay nakasisiguro na rin ng medalya sa Paris, makaraang umabante sa semis ng 57kg division.
Makakaharap ni Çakıroğlu si Wu Yu ng China, ang top-seed sa division, para sa gold. Tinalo ni Wu si Nazym Kyzaibay ng Kazakhstan sa kanilang sariling semis showdown.
Ang 29-anyos na si Villegas ay nakasiguro ng medalya makaraang gulantangin si hometown bet Wassila Lkhadiri ng France sa quarterfinals noong Sabado, via 3-2 split decision upang patahimikin ang maingay na crowd sa North Paris Arena.
Bago ito ay tinalo niya sina Roumaysa Boualam ng Algeria sa round-of-16 at Yasmine Mouttaki ng Morroco sa round-of-32.