JAKARTA – Ibinigay ni Margarita ‘Meggie’ Ochoa ang ika-6 na bronze medal ng Filipinas makaraang magwagi laban sa kababayang si Jenna Kaila Napolis para sa ikatlong puwesto sa jiu jitsu newaza women’s -49 kgs class sa 18th Asian Games kahapon sa JCC-Assembly Hall dito.
May anim na bronze medals, sa pangunguna ng gold ni Hidilyn Diaz sa weightlifting, ang Filipinas ay nasa ika-21 puwesto sa medal tally, malayong-malayo sa China na ang mga atleta ay namamayagpag sa lahat ng sports.
Ang China ay may kabuuang 126 medals, 61 rito ay gold, upang madominahan ang pinakamahigpit na katunggali na Japan at Korea. Ang Japanese ay nakalikom ng 27 gold, habang ang Koreans ay may 20 hanggang press time.
Ginapi ni Ochoa si Napolis sa serye ng locks upang kunin ang 2-0 panalo.
“Masayang-masaya po. Mas masaya po sana kung parehas kaming may medalya ni Jenna pero ipinakita lamang po namin na kahit magkababayan kami ay fair play pa rin po at ipakikita ang best namin,” wika ni Ochoa.
Samantala, tinalo nina Southeast Asian Games gold medalist Dines Dumaan at Jefferson Rhey Loon ang kani-kanilang katunggali sa quarterfinals upang umabante sa semifinals at makasiguro ng bronze medals sa pencak silat tournament sa Pencak Silat TMII hall dito.
Ginapi ni Dumaan, pinawi ang 13-year-old gold-medal drought sa SEA Games sa Kuala Lumpur noong nakaraang taon, si Naorem Boynao Singh ng India, 5-0, sa men’s 50-55 kgs Class B quarterfinals, habang pinatalsik ni Loon si Kyrgyzstan’s Almazbek Zamirov, 4-0, sa men’s Class D 60-65-kgs quarterfinals ng tanding (sparring).
Makasasagupa ni Dumaan si Malaysian Muhammad Fayzul Nazir, habang makahaharap ni Loon si Vietnamese Nguyen Ngoc Tuan sa semifinals sa Linggo.
Sinawing-palad naman si Princesslyn Enopia labay kay Laotian Sounthavong Olathai, 0-5, sa round-of-8 upang masibak sa women’s 50-55 kgs Class D division.
Nabigo rin ang Blu Girls sa kanilang medal campaign at pumang-apat matapos yumuko sa Chinese Taipei, 3-6, sa four-team page system finals.
Tinalo ng Japan ang Chinese Taipei, 7-0, sa finals at napunta ang tanso sa China. Ito ang ikalawang beses na nabigo ang mga Pinay, una noong 2014 sa Incheon, South Korea. CLYDE MARIANO
Comments are closed.