BRONZE SA KURASHIKI

WINALIS ng Kurashiki Ablaze ng Japan ang EST Cola ng Thailand, 25-22, 26-24, 25-20, upang kunin ang ikatlong puwesto sa Premier Volleyball League Invitational Conference kahapon sa Araneta Coliseum.

Nagtala si Cing Low Mei ng 14 points sa 8-of-19 kills at match-best six blocks, bumanat si Saki Tanabe ng 13 kills at nakakolekta ng 7 digs, habang gumawa si last year’s Finals MVP Kyoka Oshima ng 19 excellent sets at nagpakawala ng 2 service aces para sa Ablaze.

Tinapos ng Cignal ang paghahari ng Kurashiki sa a 25-23, 19-25, 25-23, 22-25, 15-11 panalo noong Miyerkoles ng gabi upang maisaayos ang Final duel sa Creamline.

Mistulang hindi naapektuhan ang Ablaze ng kanilang semifinal defeat, nagpakita ng matinding katatagan sa extended second set bago tinapos ang one-hour, 37-minute match.

“We were sad that we lost, but we were to reset our mindset because it is great opportunity to play in the Philippines,” pahayag ni Kurashiki coach Hideo Suzuki sa pamamagitan ng isang interpreter.

Nanguna si Warisara Seetaloed para sa Thais na may 14 points at 9 receptions, habang nag-ambag si Natthawan Phatthaisong ng 11 points.