BROWNLEE NANUMPA NG KATAPATAN SA PH

Justin Brownlee

ISINAGAWA kahapon ni newly naturalized basketball player Justin Donta Brownlee ang kanyang oath of allegiance o panunumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas.

Ito ay ilang araw makaraang pirmahan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Republic Act 11937 na nagkakaloob ng Philippine citizenship sa Barangay Ginebra San Miguel import.

Pinangunahan ni Senador Francis N. Tolentino, chairman ng Senate Committee on Justice at principal sponsor ng RA 11937, ang oath of allegiance ni Brownlee na isinagawa sa isang seremonya sa Senado.

Layon ng panunumpa ni Brownlee na masiguro ang kanyang certificate of naturalization mula sa Bureau of Immigration (BI) upang matamasa niya ang karapatan bilang isang Filipino citizen.

“Malugod ko pong binabati ngayon si Ginoong Justin Donta Brownlee sa panibagong yugto ng kanyang buhay bilang isang ganap na Pilipino. Nawa’y iyong isabuhay ang pagka-Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa. Mabuhay ka Justin!,” pahayag ni Tolentino.

At ngayong naturalized Filipino citizen na si Brownlee ay maaari na siyang maging bahagi ng Gilas Pilipinas, national team ng bansa para sa men’s basketball, na naghahanda para harapin ang Lebanon at Jordan sa sixth at final window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero.

“To say that Mr. Brownlee is an exceptional basketball player is an understatement. He will surely reinforce the Gilas team in the FIBA World Cup qualifiers next year,” diin ni Tolentino.

Ang Pilipinas, kasama ang Japan at Indonesia, ay magiging host sa FIBA World Cup sa Agosto.

Inaasahan din na makakasama si Brownlee sa Southeast Asian Games na gaganapin sa Cambodia sa darating na Mayo.

Sa katatapos na 2022 PBA Commissioner’s Cup, si Brownlee ay itinanghal na Best Import of the Conference — ang kanyang ikatlo sa kanyang PBA career.

Noong Linggo ay pinangunahan niya ang Barangay Ginebra sa pagsungkit ng korona sa PBA Commissioner’s Cup kontra guest team Bay Area.

VICKY CERVALES