BROWNLEE SWAK SA ALL-STAR FIVE NG LATVIA FIBA OQT

TUNAY na gumawa ng ingay si Justin Brownlee sa run ng Gilas Pilipinas sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Latvia, kung saan pinangunahan niya ang Pilipinas sa hindi inaasahang semifinals appearance bago sila natalo sa world no. 12 Brazil na tumapos sa  kanilang  Paris dreams.

Ang naturalized Filipino ay napabilang sa All-Star Five ng Latvia qualifiers para sa kanyang all-around performance para sa Tim Cone-mentored  squad.

Sinamahan ni Brownlee sa  All-Star team sina MVP Bruno Caboclo ng Brazil, Rihards Lomazs ng Latvia, Jeremiah Hill ng Cameroon, at  Leo Meindl, isa pang Brazilian.

Ang 36-year-old na si Brownlee ay nagposte ng averages na 23 points, 8.3 rebounds, at  6.3 assists.

Sa pangunguna ni Brownlee ay tinalo  ng Gilas ang Latvia sa group stage clash, ang unang pagkakataon na dinomina ng bansa ang isang European team sa loob ng 64 taon. Pagkatapos ay yumuko sila sa Georgia, 96-94, subalit nakapasok pa rin sa semifinals.

Naghari ang Brazil sa torneo upang kunin ang isang Olympic berth kasunod ng 94-69 panalo laban sa hosts sa finals.