NANGANGAMBA ang mga electric cooperative na posibleng magkaroon ng rotating brownout sa Luzon sa kasagsagan ng tag-init dahil sa kakulangan sa suplay ng koryente.
Sa isang panayam, sinabi ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Ed Masongsong na posibleng makaranas ng brownout ang ilang lugar sa Luzon sa pagitan ng Abril 18 hanggang 21 at Mayo 20 hanggang 22.
“Dahil summer, dahil maraming gagamit ng kuryente, maliban na lang kung mababawasan ang demand,” ani Masongsong.
Ayon kay Masongsong, naabisuhan na nila ang mga kooperatiba na maghanda sakaling magkulang ang suplay ng kuryente.
Umapela rin ang NEA sa publiko na maging masinop sa paggamit ng kuryente gaya ng pagtanggal sa saksakan ng mga appli-ance kapag hindi ginagamit, at pagbawas sa paggamit ng mga aircon at plantsa.
Puwede rin daw kausapin ng mga kooperatiba ang mga kustomer nilang negosyante na may mga generator para paghandain ang mga ito na kumalas muna sa kooperatiba at gamitin ang mga generator.
Bukod sa NEA, nagbabala rin ang Meralco na posibleng makaranas ang kanilang mga kustomer ng brownout sa ilang araw ng Abril at Mayo dahil sa kakapusan ng suplay.
Umapela rin si Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga sa mga kustomer na maging matipid sa koryente sa harap ng inaasahang brownout sa tag-init.
Comments are closed.