BROWNOUT AT PAGTAAS SA SINGIL SA KORYENTE ASAHAN NGAYONG TAG-INIT?

GAYA ng pagtaas ng temperatura sa panahon ng tag-araw ay inaasahan ding tataas ang konsumo ng koryente dulot ng mas madalas na paggamit ng mga cooling appliance tulad ng electric fan at air conditioning units.

Dahil sa manipis na suplay ng koryente, ang inaasahang pagtaas ng konsumo ay maaari ring magdulot ng mga rotational brownout sa mga buwan ng tag-init.

Ang mga sitwasyong ito ay hindi na bago sa atin, kaya naman mas nakakainis na tila nagpapatumpik-tumpik at walang matinong programa ang pamahalaan na makapagtitiyak na magkakaroon ng sapat at maaasahang suplay ng koryente ang ating bansa.

Nagbigay babala na rin ang Department of Energy (DOE) na ang Luzon grid ay maaaring makaranas ng 12 yellow alerts sa pagitan ng Marso at Nobyembre ngayong taon, dahil sa kakulangan ng power reserves.

Bukod pa sa mga posibleng brownout, ang mas matinding paghahandaan din ng mga konsyumer ay ang posibleng pagtaas sa singil sa koryente.

Sa isang pagpupulong, ipinaliwanag ni Energy Secretary Raphael Perpetuo M. Lotilla na tuwing mataas ang demand, may ilang mga planta ng koryente na gumagamit ng mas mahal na panggatong tulad ng diesel at iba pa.

Ani Lotilla, ang paggamit ng mas mahal na panggatong ay magdudulot ng pagsipa sa singil sa koryente sa mga darating na buwan.

Sa gitna ng kakulangan ng suplay, ang tanging solusyon ng DOE ay magpaalala sa mga konsyumer na maging masinop sa kanilang paggamit ng koryente upang hindi sumipa nang malaki ang kanilang mga buwanang bayarin.

Mas kinakailangang bigyang-pansin ng gobyerno ang mga programang magreresulta sa pagpapatayo ng mas maraming planta ng koryente para matiyak na magiging mas sapat ang suplay upang maiwasan ang mga posibilidad ng brownout at upang maging abot-kaya at rasonable ang singil sa koryente.

Sa ganoong paraan, hindi maaabala ang mga consumer at negosyo sa mga posibleng rotational brownout at posibleng pagtaas ng presyo ng koryente.

Kaya napapanahon na talaga ang pakikipagtulungan ng gobyerno at pribadong sektor para sa agarang implementasyon ng mga power plant project para matugunan ang lumalaking pangangailangan sa koryente ng ating bansa.