HETO na naman ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kung kailan pa piyesta opisyal ay nagkaroon ng brownout. Haaaays. Nakakahiya. Libo-libo ang naperwisyo at naaberya sa kanilang biyahe dulot nito. Kahapon ng madaling araw raw nangyari ang kawalan ng suplay ng koryente.
At heto, pasok na naman ang mga naggagaling-galingan na netizens sa socmed at agarang isinisi ito sa Meralco na hindi naman nila alam ang puno’t dulo ng problema kung bakit nawalan ng koryente sa NAIA 3.
Ito talaga ang mahirap sa social media. Bagaman ito ay isang pamamaraan sa malayang pagbibigay ng saloobin at opinyon sa publiko, ang karamihan naman ay hindi iniisip ang responsibilidad sa kanilang malayang pamamahayag ng impormasyon.
Kinalaunan kasi ay pumalpak ang ‘main breaker’ ng NAIA 3 kaya hindi makapasok ang suplay ng koryente sa nasabing paliparan.
Ganito na lang. Para sa mga nagmamarunong na netizen na hindi alam ang buong dahilan sa kawalan ng koryente sa NAIA 3, magbibigay na lang ako ng simpleng ehemplo para mas madaling maunawaan ng mga taong mabilis magbigay ng reaksiyon dito, kahit hindi naman naiintindihan nang husto ang buong sitwasyon.
Parang sa ating tahanan lang iyan. Kung ang buong lugar natin ay walang koryente, ang ibig sabihin nito ay may malawakang brownout sa nasabing lugar. Dito papasok ang Meralco upang tingnan at ayusin kung saan nagkaroon ng problema. Nangyayari ito kapag may malakas na bagyo o kaya naman may pumutok na transformer sa nasabing lugar. Maaari rin kapag numipis ang suplay ng koryente mula sa generation companies kaya napipilitan na magrasyon ng suplay ang Meralco para maiwasan ang mas malalang brownout.
Ngayon kung ang tanging bahay mo lang ang walang koryente at ang mga kapitbahay mo ay nakakapanood ng telebisyon at may ilaw sa kanila, hindi mo dapat sisihin ang Meralco.
Tingnan mo kung may sira ang breaker switch mo o kaya may problema ang koryente sa loob ng bahay mo.
Maghanap ka ng electrician at ipaayos mo ito. Huwag sisihin at magalit sa Meralco.
Ganitong-ganito ang nangyari sa NAIA 3. Nagkaproblema ang pinaka main breaker switch nila kaya hindi makapasok ang suplay ng koryente ng Meralco. Sa paligid ng NAIA 3 ay may suplay ng koryente. Eh bakit ninyo sisisihin ang Meralco? Dahil usaping koryente, sila na agad ang may kasalanan? Teka, teka. Isip isip muna bago humusga.
Mabalik tayo sa isyu ng NAIA 3. Kung hindi ako nagkakamali, matagal nang pinag-uusapan ang planong rehabilitasyon at modernisasyon ng nasabing paliparan. Kung hindi ako nagkakamali, panahon pa ng pinatalsik na Pangulong Joseph Estrada ang plano na ayusin ang NAIA. Ganoon din noong panahon ng mga nakalipas na Pangulong Gloria Arroyo, Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte. 25 years nang pinag-uusapan ito. Puro plano, walang aksiyon!!!
Nakailang administrasyon na ang nakalipas at ilang daan na mga ‘press release’ na aayusin ang NAIA, hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari. Halos regular na may nasisira sa ating tinatawag na premyadong paliparan ng Pilipinas subalit hanggang ngayon ay kasama pa rin ang NAIA sa listahan ng “world’s worst airports”!
Sumubok ang ilan sa ating malalaking korporasyon at nagbuklod upang alukin ang gobyerno na sila ang gagawa ng rehabilitasyon ng NAIA upang maiangat ang lebel ng ating paliparan tulad ng Changi Airport ng Singapore. Sa katunayan, marami sa mga kapitbahay natin sa ASEAN at karatig bansa sa Asya ang nagtagumpay na ayusin ang kanilang international airport. Subalit tayo ay nasa kangkugan pa rin.
Puwede ba. Sana naman sa administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos ay umpisahan na ang seryoso, maayos at masusing rehabilitasyon ng NAIA.