NAIS ni Senadora Grace Poe na imbestigahan ang power interruption na nangyayari sa Panay Island sa loob ng maraming taon upang matukoy ang mga hakbang na magtitiyak ng tuloy-tuloy na suplay sa mga consumer.
Sa paghahain ng Senate Resolution No. 579, sinabi ni Poe na panahon na para maglagay ng pangmatagalang solusyon sa problema sa koryente na lubhang nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga residente at aktibidad sa ekonomiya sa rehiyon.
“Recurring power interruptions and massive blackouts should not be a way of life for our people in Panay Island,” anang chairperson ng Senate committee on public services.
“Concerned agencies must get a handle on the problem to end the intolerable suffering of the residents,” dagdag pa ni Poe.
Binigyang-diin ni Poe ang pangangailangang matukoy ang ugat ng mga grid disturbances na iniulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil umano sa tripping ng distribution utilities (DUs).
Kasabay nito, dapat din aniyang busisiin ng imbestigasyon ang posisyon ng mga electric cooperative sa Panay at Negros na itinuturo ang NGCP bilang sanhi ng problema.
LIZA SORIANO