WALANG plano ang Pilipinas na yumuko sa utos ng China na alisin ang nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na nagsisilbi ngayon naval station ng Philippine Marine na nagbabantay sa area na saklaw ng teritoryo ng bansa.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa kung saan may sovereign rights ang Pilipinas.
“Our EEZ was awarded to us by the 1982 UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Seas )which China ratified. China should abide by its international obligations that it is part of,” giit ni Lorenzana.
Kamakailan, sinagot ni Zhao Lijian, taga pagsalita ng Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China ang pahayag ni Lorenzana hinggil sa panggigipit ng Chinese Coast Guard sa dalawang supply ship ng Philippine Navy na nagsagawa ng resupply mission para sa mga tauhan ng Philippine Marines na naka-station sa area.
Ayon kay Zhao Lijian, hinihiling ng China na tuparin ng panig ng Pilipinas ang pangako nito at alisin ang nakasadsad na sasakyang-dagat nito sa Ren’ai Jiao (2nd Thomas Shoal) .
Ang posisyon na ito ay nananatiling hindi nagbabago. Ang paghahatid na ito ng pagkain at iba pang mga suplay ay isang pansamantala, espesyal na kaayusan sa labas ng makataong pagsasaalang-alang.
Ang barko ng China Coast Guard ay nagpatrolya at nagsagawa ng kanilang tungkulin sa lugar ng tubig alinsunod sa batas kaya sinusubaybayan nila mula simula hanggang katapusan ang mga aktibidad ng paghahatid ng suplay ng panig Pilipinas.
Tugon kahapon ni Lorenzana,wala siyang natatandaan na ipinangako ng Pilipinas sa China na aalisin nila ang Siera Madre sa loob ng Ayungin Shoal.
Magugunitang taong 2014 , inakusahan din ng China ang bansa na hindi tumupad ang Pilipinas sa kanilang pangako na aalisin ang lumang barko ng Philippine Navy sa area.
“As far as I know there is no such commitment. That ship has been there since 1999. If there was commitment it would have been removed long time ago,” pahayag pa ni Lorenzana.
Kamakailan ay hiniling ng China na tanggalin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre, isang sira-sira at kinakalawang na barko noong World War II na naka-ground sa Ayungin (Second Thomas Shoal) noong 1999 bilang tugon sa pisikal na pananakop ng China sa kalapit na Mischief Reef noong 1995.
Isang maliit na detachment ng Marines ang nakatalaga sa Sierra Madre upang bantayan ang Chinese Coast Guard (CCG) na regular na nagpapatrolya sa nakapalibot na tubig ng shoal na nasa 105 nautical miles lamang mula sa baybayin ng Palawan. VERLIN RUIZ