MARAMI sa atin ang hindi kumakain ng breakfast. May ilan na dahil walang panahong magluto o kaya naman, nahuli sa paggising. Ang iba naman, sadyang hindi nahilig kumain ng agahan o wala pang ganang kumain sa agahan.
Sa ngayon, dahil na rin sa kaabalahan, kinasanayan na ng marami ang brunch. Ang brunch ay ang pagkunsumo ng dalawang pinakaimportanteng meal—ang agahan at tanghalian, sa isang kainan. Kapag sinabi ring brunch, kumakain ka ng mas late kaysa sa regular na oras ng agahan at mas maaga naman kaysa sa regular na oras ng pagkain ng tanghalian.
May ilan na nasanay nang mag-brunch. Ang iba naman ay hindi. Ngunit, mainam nga ba o healthy nga ba ang brunch? O mas dapat nating ituloy o kahiligan ang nakagawian o kinalakihang kailangang mag-breakfast.
Dahil sa bumibilis na rin ang panahon, kung minsan ay wala na tayong panahong kumain lalong-lalo na ng agahan.
Tapos idagdag pa natin ang pagiging mahal o ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, talagang may ilan na mas pinipili ang mag-skip ng breakfast. Mas makatitipid nga naman kung pagsasamahin ang pagkain ng breakfast at lunch.
Ayon sa stylecraze.com, may mga harmful effects ang pag-skip ng breakfast gaya ng mga sumusunod:
NEGATIBONG IMPACT SA MOOD AT ENERGY LEVELS
May negatibo umanong naidudulot ang pag-skip o hindi pagkain ng breakfast sa mood at energy level ng isang tao ayon sa pag-aaral ng Physiological Behavior noong 1999.
Lumabas na ang grupong nag-skip ng breakfast ay mahina ang memory skills at mataas ang fatigue levels. Nakapagdudulot din umano ng migraine ang pag-skip ng breakfast.
NAKAAAPEKTO SA METABOLISMO
Apektado rin umano ang metabolism sa pag-skip ng breakfast. Sa mga ginawang pag-aaral, lumabas na napakahalaga ng pagkain ng agahan lalo na’t ito ang unang meal matapos kang magpahinga ng halos 12 oras. Lumabas din sa pag-aral na ang mga taong kumakain ng breakfast ay mas mataas ang level ng resting metabolism.
NAGIGING DAHILAN NG PANLALAGAS NG BUHOK
Marami sa atin ang hindi naman malaman kung bakit nanlalagas ang buhok.
Kung minsan ay napapansin lamang natin na nanlalagas na pala ang buhok kapag naligo tayo, nagsuklay o kaya naman sa paggising sa umaga at puno o maraming hibla ng buhok ang ating unan o kama.
Isa rin umano sa dahilan ng panlalagas ng buhok ay ang hindi pagkain ng breakfast. Ang pagkain ng agahan ay mayroong major role sa pagtubo ng hair follicles.
Kaya naman kung napapansing nanlalagas ang buhok, baka naman dahil iyan sa pag-skip mo ng agahan. Piliin din ang protein-rich breakfast para sa magandang pagtubo ng buhok.
Okey sabihin na nating may negatibong epekto ang pag-skip ng breakfast o ang deretsong pagba-brunch. Ngunit ayon naman sa univer-sityspoon.com, brunch is the best meal. At kung bakit, narito ang ilang dahilan:
PAGKAIN NG MARAMI
Breakfast+ lunch= brunch. Puwede ka nga namang kumain ng marami nang hindi nagi-guilty.
Sa pagkain nga naman ng dalawang meal sa isang upuan ay magandang excuse upang mabusog at makain ang lahat ng gusto nang hindi nag-aalala. Lalo na kung isasaisip mong, sige, hindi na ako kakain ng dinner.
IKATUTUWA NG COFFE LOVER
Sabagay, isa nga naman sa matutuwa sa ganitong proseso o bagong routine ng pagkain ay ang mga coffee lover. May excuse ka na nga naman para masayaran ang labi mo ng quality coffee o gusto mong klase ng kape gaya na lang ng latte o mocha.
SOCIAL GATHERING
Isang excuse rin naman ang brunch para magka-bonding ang magkakaibigan. Matapos nga naman ang lima o anim na araw na pagtatrabaho, puwede nga namang magkayayaan ang magkakaibigan para sa hearty brunch.
BOTTOM LINE: Okey, sabihin na nating may epekto sa katawan at kalusugan ang hindi pagkain ng breakfast. Pero kung ang kinakain mo naman sa agahan ay hindi healthy kagaya ng processed food, matataba at maaalat na pagkain, wala rin itong pinagkaiba sa hindi pagkain ng agahan.
Kumbaga, importante—breakfast man iyan o brunch na healthy ang pagkaing iyong kinukonsumo. CT SARIGUMBA
Comments are closed.