BRUNSON BINITBIT ANG KNICKS SA OT WIN VS WIZARDS

NAGPASABOG si Jalen Brunson ng 55 points at humabol ang New York Knicks mula sa double-digit fourth-quarter deficit upang pataubin ang Washington Wizards,136-132, sa overtime noong Sabado.

Naitala ni Brunson ang 42 sa kanyang mga puntos sa second half at overtime upang tulungan ang Knicks na gapiin ang Wizards para sa ika-7 sunod na panalo.

Ito ang kanyang ikatlong 50-point game bilang isang Knick, at kinailangan ng New York ang lahat ng kanyang output laban sa isang Washington team na naglalaro na wala si Kyle Kuzma at ang kanilang leading scorer na si Jordan Poole.

Kumamada si Justin Champagnie ng career-high 31 points para sa Wizards, na umabante ng hanggang 11 sa third quarter at kinuha ang eight point lead papasok sa fourth.

Pinalobo nila ang kanilang kalamangan sa 100-90 sa kaagahan ng final period at pagkatapos ng pares ng lead changes, ang Wizards ay angat sa 119-114, may 1:07 ang nalalabi.

Umiskor si Brunson ng three-point play at pagkatapos ay itinabla ang talaan sa 119-119 sa isa pang driving basket upang ipuwersa ang overtime, kung saan nagsalpak sina Brunson at Josh Hart ng pares ng clutch free-throws upang selyuhan ang panalo.

“We were a step behind until the fourth,” sabi ni Brunson. “(We) found a way to turn it up and came out with the win.”

Naipasok ni Brunson ang 18 sa 31 shots mula sa floor at kinamada ang tatlo sa 10 three-pointers ng Knicks.

“I read the game, and then I find a way to impact it,” aniya. “Tonight it was scoring.”

Sa iba pang laro, umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 22 points at nagdagdag si Jalen Williams ng 20 para sa Western Conference-leading Oklahoma City Thunder sa 106-94 victory laban sa Hornets sa Charlotte.

Ito ang ika-10 sunod na regular-season win para sa Thunder — isang run na pinutol ng pagkatalo sa Milwaukee sa NBA Cup final na hindi binilang sa season schedule.

Nakontrol ng Thunder ang laro kontra injury-ridden Hornets, kung saan nagtala ito ng kabuuang 29 assists sa isang well-rounded offensive display.

Tumabo si Aaron Wiggins, naging starter kapalit ni injured Luguentz Dort, ng 17 points para sa Thunder, na umangat sa 25-5.

Sa Chicago, nagsalansan si Josh Giddey ng 23 points, 15 rebounds, at 10 assists upang pangunahan ang Bulls sa 116-111 panalo laban sa Milwaukee Bucks, na naglaro na wala sina ailing star Giannis Antetokounmpo.

Nagdagdag si Nikola Vucevic ng 23 points at 13 rebounds at tumipa si Coby White ng 22 points para sa Bulls.

Nakakolekta si Damian Lillard, na tulad ni Antetokounmpo ay questionable para sa laro dahil sa karamdaman, ng 29 points at nagbigay ng 11 assists para sa Bucks.