“The 2018 Barangay and Sangguniang Kabataan elections had been relatively peaceful and orderly in all regions of the country.”
Ito ang naging pahayag ni PNP spokesman, Chief Supt. John Bulalacao makaraang magsara ang botohan kahapon ng alas-3:00 ng hapon.
Aniya, mas maayos ang 2018 BSKE kung pagbabasehan ang bilang ng karahasan at mga nasawi noong 2013 election dahil mas kaunti ang bilang ng karahasang naitala.
Noon, aniya, ay may naitalang 57 na nasawi sa karahasan habang ngayong taon ay mayroon lamang 33.
Nabatid na bukod sa insidente ng karahasang naganap sa mismong araw ng election, may mga naitala ring kaso ng vote buying ang PNP at Comelec sa ilang lugar.
Sa datos na ibinahagi ni PNP chief, Gen. Oscar Albayalde, hindi lahat ng napatay ay kandidato kung saan ang iba rito ay mga sibilyan o ‘di kaya’y tagasuporta lamang ng mga tumatakbong kandidato.
Mayroon din aniyang 26 na sugatan at 24 ang tinambangan pero hindi nasaktan.
Sa nasabing statistic ay kasama ang insidente ng pananambang kay Daanbatayan Mayor Vicente Loot at pagpatay kay dating Congressman Euforonio Eriguel sa Agoo, La Union habang nasa meeting de avance.
Subalit, nilinaw ng PNP chief na kasalukuyan pa nilang beneberipika kung pawang mga election related ang naitalang 42 incidents.
Sinasabing, pito pa lamang sa nasabing bilang ang kumpirmadong election related incidents.
Hanggang sa kasalukuyan ay naka- full alert ang pulisya sa buong bansa hangga’t hindi pa ganap na naipo- proklama ang mga nanalong kandidato sa idinaos na eleksiyon sa may 42,000 barangay sa buong bansa.
POLL WATCHER BINUGBOG
Naitala naman ang tensyon sa Maharlika Elementary School sa Maharlika Village sa Taguig City.
Nagresulta ito ng pagpapalabas sa mga botante at poll officers mula sa Maharlika Elementary School-Annex.
Batay sa mga saksi, nagkaroon ng bugbugan, kung saan ang isang biktima ay kinilalang si Ybrahim Ismael, isang poll watcher.
Duguan ang mukha ni Ismael, na agad na nilapatan ng lunas sa isang ambulansiya.
Ayon sa incumbent barangay chairman na si Baisette Pangandaman, ang dalawang suspek, nakasuot ng puting t-shirt, ay kapwa mula sa kampo ng kanyang kalaban.
Nabatid na ang kalaban ni Pangandaman ay ang mismong pamangkin nito na si Harry Pautin. May dag-dag na ulat ni EUNICE C.
Comments are closed.