MAGING ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ay umaasa na ang mga nanalo sa katatapos lang na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay magiging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa buong bansa.
Ayon kay AFP Chief, General Romeo Brawner Jr., ang mga nanalo sa BSKE ay may responsibilidad na pagsilbihan ang kanilang mga nasasakupan.
Dagdag ng opisyal na bahagi ng kanilang tungkulin ay tiyakin ang kaligtasan ng mga tao.
Sinabi pa ng heneral na ang pakikipagtulungan ng publiko sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ay nagresulta sa matagumpay at generally peaceful na halalan noong Lunes.
Samantala, tiniyak ng AFP na mananatiling “vigilant and on alert” ang Hukbong Sandatahan para maiwasan ang anumang pagbabanta ng mga grupo na makagambala sa kapayapaan sa mga komunidad.
Samantala, binigyang pagkilala at pasasalamat ni Brawner ang kooperasyon ng Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at Department of Education (DepEd) na nagbigay daan para makamit ang layunin para sa isang payapa, maayos at malayang pagsasagawa ng halalan. VERLIN RUIZ