DINEPENSAHAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paggastos ng P4.9-billion para sa bagong polymer o plastic banknotes.
Ayon sa BSP, nabawasan ang mga peke at sira-sirang pera simula nang gumamit ang bansa ng polymer banknotes kumpara sa perang papel.
Batay sa datos ng BSP, bumaba sa 1 per 82 million pieces ang kabuuang counterfeit na P1,000 polymer notes simula 2022 hanggang noong November 2024 o katumbas ng 10 counterfeits mula sa 825.4 million sa bawat sirkulasyon.
Ang mga pekeng perang ito ay mayroon umanong mababang kalidad dahil hindi tugma sa advanced security features ng polymer banknotes.
Gayunman, umabot sa 1 per 19,000 ang mga naitatalang counterfeits ng P1,000 paper bill na nangangahulugang mas maraming peke nito kumpara sa polymer.
Nito lamang Disyembre 23, sinimulan na ng BSP na ilabas ang limitadong suplay ng mga bagong P50, P100 at P500 polymer bills na bahagi ng “First Philippine Polymer Banknote Series” sa Metro Manila pa lamang.
Nauna nang tinutulan ng August Twenty-One Movement (ATOM) ang desisyon na palitan ang mga imahe ng Philippine heroes ng local wildlife.
Ang polymer banknotes ay tinatampukan ng mga sumusunod na disenyo:
• P1,000: Philippine Eagle at Sampaguita flower (inilabas noong April 2022)
• P500: Visayan Spotted Deer at Acanthephippium mantinianum
• P100: Palawan Peacock-Pheasant at Ceratocentron fesselii,
• P50: Visayan Leopard Cat at Vidal’s lanutan.