PORMAL nang tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang 7,230 doses ng Moderna vaccines mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Miyerkules.
Ginanap ang pormal na turnover ceremony sa Ospital ng Parañaque 2 (OSPAR2) kung saan tinanggap ni OSPAR medical director Dr. Jefferson Pagsisihan ang mga ipinagkaloob na vaccines sa lungsod.
Pinasalamatan naman ng lokal na pamahalaan ang BSP Employees’ Association, Inc. na pinamumunuan ng kanilang president na si Dr. Paul Youankee para sa nabanggit na donasyong Moderna vaccines sa lungsod.
Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, malaki ang maitutulong ng ipinagkaloob na Moderna vaccines sa pakikipaglaban ng lungsod sa pandemya na dulot ng COVID-19.
Makaraan ang pagsasagawa ng simpleng turnover ceremony ay nagkaroon naman ng pagpupulong si Pagsisihan sa mga tauhan ng General Services Office (GSO) at Engineering Office para sa mas maayos na pagbibigay ng serbisyo sa publiko gayundin sa operasyon ng OSPAR2.
Samantala, nakapagtala ang City Health Office (CHO) ng walong bagong kaso ng COVID-19 kung saan mayroon pang nananatiling 20 aktibong kaso ng virus sa lungsod base sa datos nitong Mayo 17.
Sa natitirang 20 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod, mayroong tig-apat na kaso ang mga barangay ng BF at Moonwalk; tig-tatlong kaso mayroon ang mga barangay ng Merville at San Antonio; Barangay Don Bosco na may dalawang kaso habang ang tatlong barangay na kinabibilangan ng San Dionisio, Santo Niño at Vitales ay nakapagtala ng tig-isang kaso ng virus.
Pinaalalahanan din ng lokal na pamahalaan ang mga residente ng lungsod na sundin ang basic health protocols na kasalukuyang ipinatutupad sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ