(BSP pinakikilos) BATAS VS FINANCIAL CRIMES

HIHILINGIN ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bumalangkas ng batas para sa pagpaparusa laban sa financial crimes sa bansa.

Kasunod na rin ito ng muling pagkakasama ng Pilipinas ngayong taon sa “gray list” batay sa Financial Action Task Force (FATF) dahil sa kawalan ng epektibong targeted financial sanctions framework (TFS) para sa terrorism financing at proliferation financing.

Inirekomenda ni Salceda na silipin na ang bank secrecy laws at kung papayagan dito na dagdagan pa ang financial sanctions laban sa mga indibidwal, kpmpanya, organisasyon at iba pa na masasangkot sa anumang pinansiyal na krimen.

Panahon na, aniya, para isulong ang isang lehislasyon o panukala na magpapa-relax sa bank secrecy laws para sa targeted sanctions.

Aniya, hanggang hindi nagiging transparent ang “banking system” ay mahihirapan ang bansa na magparusa laban sa financial crimes.

Babala pa ng mambabatas, kung hindi aaksiyon ang BSP ay mananatili ang akusasyon na ang mga bangko sa bansa ay kasabwat at tulay sa lahat ng uri ng terrorist at illegal transactions. CONDE BATAC