BTS fans galit kay Cayetano

MASAlamin

TATLONG buwan matapos sipain sa puwesto ng kanyang mga kasamahan bilang House speaker, umeksena na naman si Taguig City-Pateros 1st District Representative Alan Peter Cayetano at ginamit pa ang BTS para bumango ang kanyang pangalan sa publiko.

Ang BTS ay isang South Korean boy band na may pitong miyembro na sikat na sikat sa ngayon sa mga milenyal at kabataang Filipino.

Sa pagbabalik-Kongreso ni Cayetano matapos umabsent ng ilang buwan, tinawag niya ang kanya umanong grupo na “BTS sa Kongreso.”

Kung akala ni Cayetano na makakapuntos siya sa paggamit sa pangalan ng BTS, nag-backfire pa ito sa mukha niya dahil nagwawala ngayon sa social media ang mga milenyal at kabataang Filipino na miyembro ng ARMY, ang official fanbase ng BTS. Hindi sila payag at bad taste daw ang ginawa ng pinatalsik na House speaker.

Ayon sa isang viral tweet ng isang netizen na isang solid ARMY member, kailangan daw nilang mag-register sa Comelec para sa 2022 elections at ipamalas ang kanilang lakas kontra kay Cayetano. “(You) see, he uses BTS to get our votes. Let us prove him wrong. We are not gullible! We won’t allow him to capitalize on our admiration for BTS. We resist this manipulation!”

Sa pagbibida ng BTS sa Kongreso sa media noong isang araw, kanilang sinabi na sila raw ang kakatawan sa “independent majority” na susuporta sa legislative agenda ni Presidente Rodrigo Duterte habang mananatiling kritikal sa mga panukalang batas na ginagawa sa lower chamber.

Ayon sa ilang eksperto sa politika, dahil wala namang nagawa si Cayetano bilang mambabatas para sa bansa at mga Filipino ay pinipilit niya na maging relevant sa pamamagitan ng pag-angkin nang walang pahintulot sa pangalan ng totoong BTS na may napakalaking fanbase dito sa bansa.

Sigurado raw na mag-iingay at kokontra lang si Cayetano sa Kongreso na magpapabagal sa pagsusulong ng mga kinakailangang panukalang batas para umasenso ang ating bansa at tayong mga mamamayan.

Dapat pala sumama na lang siya sa Makabayan Bloc!

May ilang political analyst pa ang nagsasabi na ang naging hakbang ni Cayetano ay isang paraan ng pag-testing kung kakagatin siya ng publiko lalo’t nagkakapuwestuhan na sa 2022 presidential election kung saan nasa ibaba siya ng mga survey. Balak na raw kasing magsolo ni Cayetano at kumawala sa administrasyon dahil siguradong hindi naman daw siya mamanukin ni Duterte sa darating na presidential derby.

Nakarating na sa Big Hit Entertainment ang paggamit sa pangalan ng hawak nitong BTS at inaasahang magdedemanda ito laban kay Cayetano. May mahigpit na polisiya ang Big Hit Entertainment pagdating sa kanilang mga brand.

Comments are closed.