BTS umarangkada na

MASAlamin

SIGURADONG karamihan sa atin ay narinig na ang grupo ng K-pop idols na BTS. Pero ito palang acronym na BTS ay hindi lang pangalan ng K-pop group. Ang ibig sabihin din nito ay Be There Soon o kaya ay Behind The Scene.

Ang pinakabagong ibig sabihin ng BTS ay kumakatawan sa isang bagong kilusan sa Kongreso — ang Balik sa Tamang Serbisyo. Ito ay pinangungunahan ni Taguig-Pateros Congressman at dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Cayetano, puwede ring ang ibig sabihin nito ay Bayanihan, Tapang at Serbisyo na tila raw nawala na ngayon sa Kamara de Representante.

Nang siya ang Speaker noon, ang tawag sa Kamara ay House of the People o HOPE. Ngayon, nakalulungkot na ang dating House of the People ay naging House of Politics na, ayon pa kay Cayetano.

Ang punto ng BTS sa Kamara de Representante ay muling mapagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang mga mahahalagang isyu tulad ng COVID-19 vaccination program at economic recovery ng bansa, ang mga presyo ng bilihin at koryente, at iba pang nakaaapekto sa pang araw-araw na buhay ng mga mamamayang Filipino.

Layon din ng BTS na alamin ang kalagayan ng rehabilitation programs para sa mga nasalanta ng nakaraang malalakas na bagyo, at gayundin ang sa eruption ng Taal volcano noong Enero ng nakaraang taon.

Paano na rin ang pag-aamyenda ng batas para mapigil ang pagtaas ng kontribusyon sa Philhealth ngayong taon, tulad ng ipinag-utos ng Pangulong Duterte? Kahit ito ang utos ng Pangulo, kailangan pa rin ng bagong batas para magkabisa ito. May kumikilos ba ngayon sa Kamara para mapabilis ang pagpasa nito?

‘Yung pangako ng mga higante at mayayamang telcos na pabilisan ang internet service, na kailangang-kailangan ngayon sa online learning at online businesses, may nangyari ba?

Ilan lang ito sa mga isyu na dapat sana ay napaglalaanan ng atensiyon ng Kamara ngayon pero tila ba puro pamumulitika na lang ang inaatupag.

‘Di ba’t sa dinami-dami ng problemang kinaharap natin ngayon dahil sa COVID-19, nakuha pa nilang buksan ang debate tungkol sa Charter change? Pambihira rin naman itong mga nasa liderato ngayon ng Kamara, napakalayo ng mga prayoridad nila sa mga tunay na pangangailangan ng bayan at ekonomiya natin ngayon.

Ito ngayon ang gustong baguhin ng kilusang BTS, na kasama rin sina former Deputy Speakers Camarines Sur Cong LRay Villafuerte, Laguna Cong. Dan Fernandez, Batangas Cong. Raneo Abu at Capiz Cong. Fredenil Castro. Kasapi rin ng kilusang BTS sina Bulacan Cong. Jonathan Sy-Alvarado na dating chairman ng House committee on good government and public accountability; at Anakalusugan partylist Cong. Mike Defensor, na dating chairman ng House public accounts committee.

Aba, teka. Kung bibilangin pala ay pito silang lahat na nangunguna sa kilusang ito. Kasing rami rin ng miyembro ng K-pop group na BTS. Nagkataon lang naman.
Ayon kay Congressman Defensor, hindi lamang sila ang kasapi sa kilusang ito, kundi marami pa silang mga committee chairperson at iba pang miyembro ng Kamara na sumisimpatiya sa layunin ng BTS. Baka ito ang magiging ARMY nila, kasama na ang karamihan ng mamamayang Filipino na sawang-sawang na sa pamumulitika sa Kongreso.

Ayon pa kay Defensor, ang mga kasama nila sa BTS Congress bloc ay ang mga nagtatrabaho sa Kongreso na gusto muling ibalik ang dating sigla at sipag sa Kamara para makatuon ito sa mga bills na kailangang ipasa agad.

Si Congressman Villafuerte naman ay nadismaya dahil nauwi na sa puro pamumulitika na lamang ang nangyayari ngayon sa Kamara sa ilalim ni Speaker Lord Allan Velasco, sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga importanteng panukala tulad ng mga bills para muling mapasigla ang ekonomiya at mga negosyo, at patuloy na mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap nating kababayan.

Kailangan ding pagtuunan ng pansin ang peace and order, ayon naman kay Congressman Castro dahil nakababahala na ang mga nangyayari, tulad na lamang ng pamamaril ng isang pulis sa isang mag-ina kamakailan, at ang lumalalang problema ng online child pornography sa bansa.

Sana nga ay magtagumpay ang BTS sa layunin nilang muling ibalik ang Bayanihan, Tapang at Serbisyo sa Kamara de Representante. Nawala na sa tamang direksiyon ang Kamara ngayong panahon na kailangang-kailangan pa naman ang matatag at mapagkakatiwalaang liderato sa Kongreso.

2 thoughts on “BTS umarangkada na”

  1. 562685 377780Thank you for the sensible critique. Me and my neighbor were just preparing to do some research on this. We got a grab a book from our area library but I feel I learned more clear from this post. Im quite glad to see such excellent information being shared freely out there. 707073

Leave a Reply

Your email address will not be published.