KASUNOD ng pagkakatanggap ng impormasyon hinggil sa ilan umanong iregularidad sa paggamit ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa bilyon-bilyong pisong pondo na nasa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), nakahanda ang House Committee on Appropriations na gamitin ang oversight function nito at magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.
Ayon kay ACT-CIS Partylist at Benguet province caretaker Rep. Eric Yap, chairman ng nasabing komite, matapos ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa General Appropriations Act (GAA) for FY 2021 at pagpapalawig sa validity ng 2020 GAA gayundin ng Bayanihan 2, mahigpit niyang babantayan at titiyaking magagamit nang tama at totoong pakikinabangan ng sambayanang Filipino ang binalangkas nilang ‘people’s budget’.
“Our responsibility as the Appropriations chair does not end once the budget is enacted. Aside from our regular committee work, we will exercise the oversight function of the Committee to look into how the budget will be spent throughout the year,” tigas na pahayag ng House panel chairman.
“Sisiguruhin natin na ang bawat piso na galing sa buwis ng mamamayang Filipino ay diretso sa kapakinabangan nila,” dugtong pa niya.
Ayon kay Yap, isa sa bubusisiin ng kanyang komite ay kung paano ginastos ang pondong inilaan para sa pagpapatupad ng Bayanihan 1 at 2, “lalo na sa mga ahensiya kung saan marami tayong natanggap na reports ng irregularidad.’’
Magugunita na aabot sa P200 bilyon ang inilaan para sa pamamahagi ng cash subsidy sa nasa 18 milyong Filipino sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa Bayanihan 1, habang nasa P165.5 bilyon naman ang pondong nakapaloob sa Bayanihan 2 na ang P53 bilyon ay para pangsuporta sa medical frontliners at P39.5 bilyon naman para sa pagpapautang sa mga manggagawa at nasa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at tourism sectors.
“Itong dalawang batas na ito (ay) ipinasa para tulungan ang ating mga kababayan na higit na naapektuhan ng pandemya, lalo na ‘yung mga nawalan ng hanapbuhay at walang panggastos para sa pamilya. If we uncover proof of corruption and irregularities, heads should roll,” banta ng ACT-CIS partylist solon.
“This is in consistence with the President’s directive to further intensify the anti-corruption efforts in the government. No one is untouchable. Susuriin natin kung paano ginastos ng bawat ahensiya ang pera ng taumbayan,” sabi pa ni Yap. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.