BUBUSISIIN NG KONGRESO ANG KORUPSIYON SA BOC

Magkape Muna Tayo Ulit

Haaay… sana naman ay magdilang anghel na itong isang kongresista upang mabusisi ang mga katiwalian at korupsiyon na nangyayari sa Bureau of Customs (BoC). Hindi kaila sa lahat… uulitin ko po…hindi kaila sa lahat ang matinding korupsiyon sa nasabing ahensiya. Nakailang administras­yon na ang dumaan subali’t hindi pa rin nalilinis ang BOC sa korupsiyon.

Sa katunayan ay naisiwalat na ang kalakaran sa loob. May mga nahuling empleyado na hindi naman kataasan ang posisyon subali’t marangya ang pamumuhay. Tila talagang talamak ang lagayan sa loob ng BOC. Marahil ang mga da­ting namuno sa nasabing ahensiya ay napapaikutan ng mga empleyadong inugat na roon at gamay na gamay ang kalakaran upang hindi sila mabisto.

Puwes, ang liderato ng House ways and means committee ay bubusisiin ang napababalitang ‘technical smuggling’  ng mahigit na 100 na multinational companies na nag-i-import ng mga produkto na dumadaan sa BOC.

Ayon sa kanilang chairman na si Albay Rep. Joey Salceda na maraming mga malalaking korporasyon ang nagpapapasok o nag-i-import ng kanilang mg produkto na hindi nagbabayad ng wastong buwis sa gob­yerno. Binansagan niyang ito bilang “corporate smuggling”. Dagdag ng Bikolanong mambabatas na ang mga pribadong tanggapan na accredited ng BOC sa kanilang ‘Super Green Lane’ (SGL) ay hindi lahat sumasailalim sa wastong dokumentas­yon at inspeksiyon sa kanilang X-ray machine sa mga dumadating ng shipment mula sa ibang bansa.

Sinabi pa ni Salceda na may 16,000 na accredited firms na hindi dumadaan sa inspection sa ilalim ng SGL kaya malaki ang posibilidad na nailalabas nila sa BOC ang kanilang mga produkto na hindi nagbabayad ng wastong buwis. Kaya naman hinihiling ni Salceda na pag-aralan muli ito ng liderato ng BOC at posibleng repa­suhin ang mga guidelines nila. Dahil dito, ipatatawag ni Salceda ang mga opisyal ng BOC at marahil ang Department of Finance (DOF) na napasasailalim ang BOC.

Ayon pa kay Salceda, titignan nila kung ang mga nasabing mga malalaking korporasyon ay lumabag sa tinatawag na Foreign Corrupt Business Practices Act sa Amerika at sa Europa. Matatandaan na may uganayan ang mga multinational corporations sa mga nasabing lugar.

Na kay Salceda na raw ang listahan ng mga malalaking korporasyon na maaring sabwat sa ‘technical smuggling’ subali’t ayaw na muna niyang pan-galanan upang hindi mausog ang imbestigasyon.

Ayon sa datos ng BOC nakakolekta raw sila ng P2.4 billion matapos ang pag-audit ng mga malalaking korporasyon sa Filipinas mula 2017 hanggang 2019.

Dismayado si Salceda sa koleksiyon ng BOC. Kulang at hindi sapat ang collection target ng BOC matapos na maiulat nila na nakakolekta sila ng P35.7 billion. Mababa raw ito para sa unang sampung buwan. Pinatututukan ni Salceda ang Port of Manila na may pinakamalaking kakulangan sa koleksiyon na P21 billion o 25% na mababa sa target nila na P85.3 billion. Ang Manila International Container Port naman ay kinulang ng P20 billion o 13.1% na mababa sa target nilang P158.6 billion.

Ayon pa sa ulat ng BOC, ang koleksiyon ng Port of Batangas ay bumaba ng 7.1 %  sa kanilang P136.7-billion target. Samantala, ang koleksiyon ng Port of Cebu ay kulang ng 6.6 percent sa target nilang P28.3 billion.  Ang Port of Davao naman ay 9.8 % na mababa sa P25.9-billion nilang target.

Sana ay tuluyang malinis ang BoC. Ilan na ang sumubok linisin ito at tila ang lahat ay nabigo. Tandaan, ito pa naman ang ayaw na ayaw ni Pangulong Duterte. Sana ay panghimasukan niya na rin ito.

Comments are closed.