NAGPULONG kahapon ang Metro Manila Council kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan upang pag-usapan ang gagawing pagtugon sa El Niño, pagbuo ng Task Force sa bawat LGU.
Isinagawa sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority ( MMDA) ang pagpupulong ng Metro Council na binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Dito ay inilatag ang mga hakbang na gagawin laban sa El Nino phenomenon.
Sa nasabing pagpupulong, napag-usapan ang pagtatatag ng task force ng bawat LGU sa Metro Manila.
Ayon kay MMC Chairman Francis Zamora, pinag-aaralan nila sa ngayon ang mga rekomendasyon sa pag-regulate ng tubig mga establisimiyento nang sa gayon ay hindi ito masayang at makatipid ng tubig.
Paliwanag ni Zamora, mahalagang maging preventive sa halip na maging reactive ang mga LGU dahil seryoso ang banta ng El Nino na mararanasan sa 3rd quarter ng tao1n hanggang 1st quarter ng 2024.
Kasunod nito, sinabi ng alkalde na para makatipid sa tubig ang San Juan ay hindi na magkakaroon ng Basaan sa Wattah Wattah Festival at sa halip ay “basbasan” na lang ang gagawin sa Hunyo 24.
Samantala, nanawagan si MMDA Chairman Armando Artes sa publiko na magtipid ng tubig dahil sa El Nino.
Iniulat naman nito na mananatiling alert level 1 ang NCR at magiging optional pa rin ang pagsusuot ng facemask sa labas. ELMA MORALES