NAIPOSTE ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang ika-4 na triple-double sa season at umiskor si Damian Lillard ng 25 points upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa 128-104 panalo laban sa Toronto Raptors noong Lunes.
Kumamada si Antetokounmpo ng 11 points, 12 rebounds, at season-high 13 assists at pinutol ng Bucks ang two-game skid.
Ang Milwaukee ay natalo sa apat sa kanilang huling limang laro, kung saan ang lahat ng kanilang kabiguan ay nanggaling laban sa mga koponan na may losing records. Subalit magaan nilang dinispatsa ang 8-28 Raptors sa kabila ng pagliban ni Khris Middleton na may ankle injury.
Sinabi ni Bucks coach Doc Rivers na ang assists ni Antetokounmpo — kabilang ang 10 assists sa first half — “set the whole tone for our team.”
“When your best player does that it becomes contagious and the ball just moved,” ani Rivers.
Sa Chicago, nagbuhos si Zach LaVine ng 35 points na sinamahan ng 10 rebounds at 8 assists at humabol ang Bulls mula sa 19-point third-quarter deficit upang gapiin ang San Antonio Spurs, 114-110.
Nagdagdag si Coby ng 23 points, nag-drive para sa isang go-ahead layup, pagkatapos ay nag-dunk upang bigyan ang Bulls ng 113-110 kalamangan, may 15.9 segundo ang nalalabi, at nagdagdag si LaVine ng final free throw upang selyuhan ang panalo.
Nalusutan ng Bulls ang isa na namang standout performance mula kay San Antonio star Victor Wembanyama, na nagsalansan ng 23 points, 14 rebounds, 4 assists, at 8 blocked shots.
Sa Detroit, umiskor si Cade Cunningham ng 32 points at nagbigay ng 9 at binura ng Pistons ang maagang 22-point deficit upang ibasura ang Portland Trail Blazers, 118-115.
Naitala ni Tim Hardaway Jr. ang 11 sa kanyang 26 points sa fourth quarter para sa Detroit, kabilang ang pares ng back-to-back three-pointers na nagbigay sa Pistons ng 109-106 bentahe, wala nang tatlong minuto sa orasan.
Samantala, nakabuti ang desisyon ni Phoenix coach Mike Budenholzer na balasahin ang kanyang starting lineup sa Philadelphia, kung saan umskor si Bradley Beal ng 25 points mula sa bench upang pamunuan ang Suns sa 109-99 panalo kontra short-handed 76ers.
Kasunod ng four-game losing streak ng Suns, inilagay ni Budenholzer sina Beal at Jusuf Nurkic sa reserve roles. Naghabol ang Phoenix ng hanggang 12 points sa first quarter at nahaharap sa 4-point deficit sa half time.
Subalit gumawa si Beal ng 20 points sa second half at na-outscore ng bench ng Suns ang Sixers reserves, 54-7, overall.
Nakalikom si Tyrese Maxey ng 31 points at nagbigay ng 10 assists, at nagtala si Kelly Oubre Jr. ng 26 points at 11 rebounds para sa Philadelphia, na naglaro na wala sina Joel Embiid at Kyle Lowry.
Sa New York, ginapi ng injury-ravaged Orlando Magic ang Knicks, 103-94.
Tumabo si Cole Anthony ng 24 points at mula sa bench ay nagtala si Wendell Carter Jr. ng 19 para sa Orlando, na nanatiling wala ang kanilang apat na scorers na sina Paolo Banchero, Franz Wagner, Jalen Suggs at Moritz Wagner.
Tumipa sina Jalen Brunson at Mikal Bridges ng tig-24 points para sa Knicks, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan matapos ang nine-game winning streak.
Sa Memphis, tumirada si Jaren Jackson ng 35 points at kumalawit ng 13 rebounds upang pangunahan ang Grizzlies sa 119-104 panalo kontra Dallas Mavericks, na naglaro na wala sina Luka Doncic at Kyrie Irving at nalasap ang ika-5 sunod na pagkatalo.
Samantala, humabol ang Sacramento Kings, pinangunahan ng 30 points ni DeMar DeRozan at triple-double na 21 points, 18 rebounds at 11 assists mula kay Domantas Sabonis, upang dispatsahin ang Miami Heat, 123-118, sa double-overtime thriller.