BUCKS ITINUMBA ANG SPURS

UMISKOR si Damian Lillard ng 26 points at nagdagdag si Giannis Antetokounmpo ng 25 points upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa 121-105 panalo laban sa bisitang San Antonio Spurs noong Miyerkoles ng gabi.

Nagbigay rin si Lillard ng 8 assists, habang nagdagdag si Antetokounmpo ng 16 rebounds at 8 dimes para sa kanyang ika-432 career double-double, nalagpasan si Kareem Abdul-Jabbar para sa top spot sa kasaysayan ng Bucks.

Nagposte si Brook Lopez ng 22 points para sa Milwaukee, na naisaayos ang magaan na panalo sa commanding 34-19 second quarter.

Nakakolekta si Keldon Johnson ng 24 points at 11 boards sa loob ng 25 minuto mula sa bench para sa San Antonio, habang nag-ambag si Chris Paul ng 18 points at 7 assists.

Gumawa si Victor Wembanyama ng 10 points sa 4-of-10 shooting, at nagdagdag ng 10 rebounds at game-high 3 blocked shots.

Nuggets 126, Clippers 103
Tumabo si Jamal Murray ng 21 points na sinamahan ng 9 assists, umiskor sina Russell Westbrook at Michael Porter Jr. ng tig-19 points at ginapi ng host Denver Nuggets ang Los Angeles Clippers.

Nag-ambag si Julian Strawther ng 16 points, kumabig si Christian Braun ng 15 at nagbuhos si DeAndre Jordan ng season-high 12 points na sinamahan ng 9 rebounds para sa Denver. Ang Nuggets, na natalo sa bisitang Boston Celtics noong Martes, ay 8-0 sa ikalawang laro ng back-to-backs.

Ang parehong koponan ay naglaro na wala ang kanilang star players. Si Clippers forward Kawhi Leonard ay bumalik sa Los Angeles Miyerkoles ng umaga upang samahan ang kanyang pamilya dahil sa wildfires. Lumiban naman si Denver center Nikola Jokic sa ikalawang sunod na laro dahil sa karamdaman.

Umiskor si Norman Powell ng game-high 30 points, tumapos si James Harden na may 16 at nagdagdag sina Ivica Zubac at Kevin Porter Jr. ng tig-10 para sa Clippers, na natalo ng apat sa kanilang huling lima.

Na-split ng dalawang koponan ang apat na laro ngayong season, kung saan tatlo sa mga ito ay nilaro sa court ng Nuggets.

Knicks 112, Raptors 98
Nagposte sina Karl-Anthony Towns at Josh Hart ng double-doubles para sa host New York Knicks, na pinutol ang three-game losing streak kasunod ng pagbasura sa Toronto Raptors.

Tumapos si Towns, na inilistang kuwestiyonable makaraang hindi maglaro sa 103-94 pagkatalo noong Lunes sa Orlando Magic dahil sa knee injury, na may 27 points at 13 rebounds sa kanyang ika-31 double-double sa season. Tumipa si Hart ng 21 points at nagdagdag ng11 rebounds at 7 assists.

Kumamada si OG Anunoby, nakaharap ang koponan kung saan. niya ginugol ang unang six-plus seasons ng kanyang career, ng 27 points habang nagtala rin sina Jalen Brunson (13 points, seven assists, six rebounds) at Mikal Bridges (10 points) ng double figures para sa Knicks na pinutol ang kanilang pinakamahabang longest losing streak magmula nang maitala ang three-game skid noong March 29-April 2, 2024.

Kumabig si Immanuel Quickley ng 22 points habang gumawa si Scottie Barnes ng 18 at tumapos si RJ Barrett na may 16 para sa Raptors, na natalo ng 14 sa 15. Sina Quickley at Barrett ay dinala sa Toronto kapalit ni Anunoby noong Dec. 30, 2023. Ang New York ay nanalo sa lahat ng limang laro matapos ang deal.

Nagdagdag si Chris Boucher ng 10 points, pawang sa huling apat na minuto ng fourth, para sa Raptors.